3 rehiyon sa bansa, posibleng isailalim sa areas of grave concern ngayong BSKE 2023—PNP PIO 

3 rehiyon sa bansa, posibleng isailalim sa areas of grave concern ngayong BSKE 2023—PNP PIO 

NASA tatlong rehiyon sa bansa ang patuloy na binabantayan ngayon ng Philippine National Police (PNP) dahil sa malaking kaso ng mga election related incidents nitong nagdaang dalawang halalan.

Nangunguna ang Bangsamoro Region sa Mindanao, Region 5 sa Luzon at Region 8 sa Visayas na may pinakamaraming bilang ng barangay na maaaring isailalim sa red category o areas of grave concern ng Commission on Elections (COMELEC).

Sa panayam ng media araw ng Lunes Setyembre 25, 2023, kinumpirma ng tagapagsalita ng PNP na si Col. Jean Fajardo ang nasabing datos base sa kanilang sariling monitoring sa gitna ng paghahanda para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Paglilinaw ng PNP, maaaring magbago pa ang nasabing listahan sa gitna ng patuloy na paghahanda ng pamahalaan para sa nalalapit na lokal na halalan.

Bilang ng mga lumabag sa gun ban para sa BSKE 2023, umabot na sa 926

Samantala, batay sa pinakahuling monitoring ng PNP, umakyat na sa mahigit 900 ang lumabag sa ipinatutupad na election gun ban habang patuloy naman ang paalala nito sa publiko kaugnay sa mga ipinatutupad na polisiya ng COMELEC.

Sa huli, nauna nang nilinaw ni PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr. katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at COMELEC sa pagtukoy ng mga lugar at ilalabas nila ang listahan kapag naisapinal na nila ito sa kanilang isasagawang mga coordination meeting.

Bukod naman sa areas of concern, kasama rin sa paghahanda ng kapulisan sa nalalapit na eleksiyon ang paghahabol sa mga loose firearms, pagbuwag sa mga private armed groups at paghahanap sa most wanted persons na posibleng gagamitin bilang hitman ng ilang politiko.

Follow SMNI NEWS on Twitter