Recruitment scam ng Pinoy sa Italy, pinaiimbestigahan ni Tulfo

Recruitment scam ng Pinoy sa Italy, pinaiimbestigahan ni Tulfo

PINAIIMBESTIGAHAN ni Sen. Raffy Tulfo sa Senado ang napaulat na multi-million illegal recruitment scheme na binibiktima ang mga Pinoy na nagbabalak magtrabaho sa Italy.

Si Tulfo, na chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, ay naghain ng Senate Resolution (SR) No. 816 kasunod ng mga ulat na daan-daang biktima ang natangayan ng pera ng consultancy firm na Alpha Assistenza SRL.

Ang kompanya ay pinamumunuan ng Filipino co-CEOs na sina Krizelle Respicio at Frederick Dutaro.

Sinabi ni Tulfo na ayon sa mga biktima ng OFW, nagbayad sila sa Alpha Assistenza ng hindi bababa sa 2,500 euros (Php 120,000.00), habang ang ilan sa kanila ay umamin na nagbayad ng kabuuang 5,780 euros (Php 347, 140.00) sa paniniwalang makakakuha sila ng trabaho sa Italy.

Matapos umanong maibigay ang bayad, ipinadala umano sa mga aspiring OFW via email o social media ang kanilang work permit. Pero nang isumite nila ang dokumento sa Italian Embassy sa Pilipinas, tinanggihan ito.

Nagsampa na ng pormal na reklamo ang 68 complainants sa Department of Justice (DOJ) sa Maynila habang inalerto ng embahada ng Pilipinas sa Italy ang Public Prosecutors Office sa Roma, ang SUI, ang Questura at ang Italian Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation ng umano’y large-scale fraud.

Binigyang-diin din ni Tulfo na dapat ding imbestigahan ang ilang alegasyon ng mga biktima tungkol sa diumano’y “non-action” ng konsulado ng Pilipinas sa Milan.

Sa paghahain ng nasabing resolusyon, sinabi ni Tulfo: “There is a need to review existing laws and policies on illegal recruitment and adopting other legislative measures to curb the proliferation of such vicious acts.”

Follow SMNI NEWS on Twitter