IGINIIT ni Senator Imee Marcos na ang pagkukumpleto sa evacuation plan ng mga Pinoy migrant workers sa Taiwan ang dapat mas iprayoridad o unahin kaysa hirit ng U.S. na relokasyon sa Pilipinas ng Afghan refugees.
Ayon kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, ang evacuation plan ang dapat na agarang targetin ng humanitarian at disaster response efforts ng bansa at ng Estados Unidos sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
“Ang U.S. naghahanda na ng evacuation plan para sa mga Amerikano sa Taiwan, ganundin ang Indonesia para sa kanilang nasa 350,000 migrant workers.”
“Tayo ba nakahanda na o nakikisimpatya lang?” ayon kay Sen. Emee Marcos.
Duda si Marcos sa sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroon nang naikasang komprehensibong evacuation plan para sa 150,000 Pinoy domestic workers, caregiver, factory employees, at fishermen na nasa Taiwan sakaling simulan nang sakupin ng China ang itinuturing nitong Renegade Province o ayaw pasakop na lalawigan.
“Walang detalye, walang drill. Nakapokus ang military exercises sa paghihiganti, hindi sa pag-rescue,” dagdag ni Marcos.
“Kailangan natin ng kasagutan kung paano titipunin ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa gitna ng malawakang pagkukumahog na makaalis sa Taiwan. Anong flight o ruta ng barko ang ligtas para malampasan ang anumang military blockade? Anong sasakyan ang gagamitin, saan sila dadaong, at gaano kadalas silang ipadadala para masigurong mabilis at ligtas na maililikas doon ang mga Pinoy?” tanong ni Marcos.
Diin ni Marcos, ang plano ng U.S. na relokasyon sa mga Afghan refugees sa ibang bansa gaya ng Pilipinas ay marapat lang na ‘hindi prayoridad sa atin’.
“Nagmadadali ang U.S. na bawasan ang kanilang backlog na mahigit sa 70,000 Afghans na humihingi ng special immigrant status noon pang August 2021, noong umatras na ang tropa ng mga Amerikano sa Afghanistan at palitan sila doon ng mga Taliban,” paliwanag ni Marcos.
Sa pagsapit ng Agosto, mag-i-expire na ang dalawang-taong humanitarian parole na nagbibigay permiso sa Afghan refugees na tumira at magtrabaho sa U.S., kaya maaaring maging kumplikado ang sitwasyon kapag nabigong kumilos ang U.S. Congress.
“Dahil gipit na sa oras para sa pagpoproseso ng napakaraming special visa, ang pagkilatis sa mga refugees ay maaaring hindi na ganon kahigpit na magiging banta naman sa seguridad ng mga bansang tatanggap sa mga refugees,” babala ni Marcos.
“Marami sa kanila ang walang dokumento na magpapatunay sa kanilang kaugnayan sa U.S. government o kompanya, partikular na ang mga espiya ng military,” aniya.
Dagdag pa ng senadora na ang pagbibigay ng disenteng buhay sa mga refugee ay mangangailangan ng trabaho at paglalaan ng pagkain, tubig, at kuryente na maaaring kapusin.