AFP, magbilang muna ng sapat na bilang ng tauhan— Pastor Apollo C. Quiboloy

Pinayuhan ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ (KJC) ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa tumitinding alitan sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay sa usapin sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Kasunod ito ng mga kumakalat na balita kaugnay sa napipintong giyera sa pagitan ng Pilipinas at China na agad namang pinabulaanan ng AFP.

Ayon sa butihing pastor, dapat matiyak muna ng pamahalaan ang bilang ng pwersa nito at huwag munang magpadalos dalos sa mga kilos at hakbang bago suungin ang giyera.

Nauna nang pinayuhan ng butihing pastor ang pamahalaan na maghinay-hinay, huwag magpadalos-dalos, maging ma-diplomasya, palakasin ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa at palakasin ang independent foreign policy.

Kaugnay nito, suportado din ni Pastor Apollo ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magpadala lamang ng pwersa ng maritime assets kung langis na ang kinukuhang yaman sa WPS.

Dahil sa ngayon, hindi ito interesado sa mga isdang kinukuha ng mga Chinese vessels sa mga karagatang sakop ng Pilipinas.

Inihalintulad din ng butihing pastor ang usaping ito sa nakasaad sa isang aklat ng Bibliya sa Lucas 14:31-32.

Bagama’t aminado si Pastor Apollo na kulang pa sa mga gamit pandigma ang bansa, pero hindi aniya ito hadlang upang gawin ng Pilipinas ang makakaya nito sa ngayon habang nagpapalakas pa ang bansa.

Ani Pastor Apollo, kung hindi magawang mapakiusapan ang China sa mga maling ginagawa nito sa pag-aari ng bansa, mas mabuti pa aniya na ipahiya ito sa publiko at ipangalandakan sa buong mundo na atin ang mga isla na pilit na inaagaw ng komunistang bansa.

SMNI NEWS