Sen. Win Gatchalian sa financial regulators: Palakasin ang proteksiyon ng mga mamimili kontra online scams

Sen. Win Gatchalian sa financial regulators: Palakasin ang proteksiyon ng mga mamimili kontra online scams

NAIS ni Sen. Win Gatchalian na palakasin ng mga financial regulator ang kanilang mga cybersecurity measures lalo na’t papasok na ang holiday season.

Ang panawagan ni Gatchalian ay sumusuporta sa babala sa publiko ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) tungkol sa mga online scams na naglipana kapag ganitong panahon kung saan dumarami pa ang mga pekeng online shops na nagbebenta ng mga pekeng produkto.

“Nais natin na magkaroon ng tiwala ang ating mga mamamayan sa ating sistema ng pananalapi. Ngunit kung kayang manipulahin ng mga kawatan ang sistema, tulad ng pagpe-pressure sa mga bangko na baguhin ang mga numero ng telepono nang walang kumpirmasyon mula sa may-ari ng account, maaaring mawalan ng tiwala ang publiko,” ayon kay Sen. Win Gatchalian.

Paalala ni Gatchalian na ang Christmas season ay panahon na mas maraming mga kawatan ang umaatake kung kaya’t kailangan aniya na palakasin ang mga financial institution tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC), at Cooperative Development Authority (CDA) na palakasin ang kanilang cybersecurity measures.

Sa kaso ng mga bangko, binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng prosesong “know-your-customer” (KYC) at iba’t ibang e-wallet platforms, kung saan halos lahat na ng mga bangko ngayon ay nag-aalok sa kanilang mga kostumer na magbukas ng kanilang financial accounts sa pamamagitan ng online na transaksiyon.

Isa si Gatchalian sa mga may-akda ng Republic Act No. 11765 o ang Financial Products and Services Consumer Protection Act.

Sa ilalim ng batas na ito, binibigyan ng malawak na kapangyarihan ang mga financial regulator upang bumuo ng kanilang mga pamantayan at patakaran upang protektahan ang mga mamimili mula sa mga financial fraudsters.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtitiyak na maipabatid nang mabuti sa mga mamimili ang mga lunas at paraan ng pagsusumbong sa kaso ng pandaraya na nakaaapekto sa kanilang mga financial accounts.

Follow SMNI NEWS on Twitter