UMAPELA si Sen. Alan Peter Cayetano nitong Biyernes sa higit 3,500 na persons deprived with liberty (PDLs) na alamin ang kanilang layunin sa buhay sa kabila ng kanilang pagkapiit sa kulungan.
Aniya, mayroon silang pag-asa na magbago at makabalik pa sa lipunan.
Taunang tradisyon ni Cayetano na makasama ang mga inmate sa kaniyang kaarawan kung kaya’t nagsagawa siya ng post-celebration noong Nobyembre 10, 2023 sa Taguig City Jail at Metro Manila District Jail (MMDJ).
“Ako po ay nandito upang mag-celebrate, hindi lamang po ng aking birthday, kundi pati ng purpose ng bawat isa sa inyo. Dalangin ko po na dumating ang inyong transformation at ma-discover ninyo kung sino kayo [sa Panginoon],” sabi ng senador sa mga PDL at tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) noong Biyernes.
Pinaalala rin niya na hindi aksidente ang pagsilang ng bawat isa sa kanila.
”Nandoon pa lang (tayo) sa sinapupunan, kilala na tayo ng Panginoon. Ang problema minsan ay tayo ang hindi nakakakilala sa Kanya,” aniya.
Upang hikayatin ang mga PDL na tumahak ng mas mabuting landas, inalok ni Cayetano ang kaniyang tulong, maging ni City of Taguig Mayor Lani Cayetano, sa kanilang pagbabago.
“Kami po ni Lani ay gusto kayong maging kaibigan, kapuso, at kapamilya… Tatrabahuin natin ang livelihood programs at upgrading capacity sa mga jails para paglabas ninyo ay pwede kayo maging productive citizens at pwede kumita,” wika ng senador.
Hiniling din niya kay National Capital Region Police Office (NCRPO) acting Regional Director PBGen. Jose Nartatez Jr. at sa mga warden na tulungan silang alamin ang interes at layunin ng mga bilanggo sa buhay.
“Tulungan nyo po kami sa ano purpose nila at kami ay magkakaroon ng mga programa na tulungang makuha ang purpose na iyon,” aniya.
Sa isang Facebook Live bago siya bumisita sa mga pasilidad, ibinahagi ni Cayetano na isa sa mga programang gusto niyang trabahuin ay ang pagkakaroon ng isang drug rehabilitation program sa loob ng mga kulungan sa lungsod.
“One thing na ipagpray natin ay malaking porsyento ang nasa kulungan ay may kinalaman sa drugs. Nahihirapan kasi sila mag rehab sa addiction sa drugs. It’s the one thing that I’m looking at – how to have an effective drug rehabilitation program sa loob ng jails,” wika niya.
Sa kaniyang talumpati, kinilala ni Cayetano ang pamunuan ng BJMP at Bureau of Corrections (BOC), kasama sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Interior Secretary Benjamin Abalos Jr., at ang mga spiritual minister na naglaan ng oras at pagsisikap sa pagtulong sa mga preso.
“Gusto kong i-honor ang BJMP, BOC under DOJ, both Secretaries Remulla and Abalos, and every single minister – priest, imam, pastor na mayroon pong gawain sa ating mga jail. I’d like to honor you today. Kung kami once a year bumisita, ‘yung mga may ministry ay every week po nandoon,” sabi ng senador.