Katayuan ni VP Sara Duterte vs ICC, maliwanag—Pastor ACQ

Katayuan ni VP Sara Duterte vs ICC, maliwanag—Pastor ACQ

MALIWANAG ang naging katayuan ni Vice President Sara Duterte laban sa panghihimasok ng International Criminal Court (ICC) sa bansa.

Iyan ang binigyang-diin ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ sa programang Spotlight kung saan suportado nito ang posisyon ni Vice President Sara Duterte.

Ani Pastor Apollo, maayos naman ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ukol sa isyung ito pero mas maliwanag aniya ang naging sagot ng pangalawang pangulo ng bansa.

“Si Pres. Bongbong ang sinabi nya pag-aaralan muna, ‘yung sinabi nya noong July we will not cooperate we are done talking with the ICC, ngayon ‘yung bago niyang sinabi ngayong Nobyembre pag-aaralan muna pero sinabi nya sa huli na hindi pwedeng banyaga ang mag-imbestiga pero si Vice President, sinabi nya na paglabag sa ating Konstitusyon —-maliwanag ang kay Vice President Sara,” pahayag ni Pastor Apollo C. Quiboloy.

Pagpapapasok ng ICC sa bansa, pamumulitika lamang—Pastor ACQ

Ayon pa kay Pastor Apollo, ang intensiyon sa planong pagpapapasok sa ICC ng mga may akda ng resolusyong ito ay upang i-persecute ang mag-amang Duterte na aniya ay isang pamumulitika.

Sa kabila nito ayon sa butihing Pastor, ay mas lalo pang lumakas ang suporta ng taumbayan sa mag-ama at hindi na aniya ito mapipigilan.

“Ngayon sumasakay na naman ang iba jan, ‘yan sila ang may akda niyan para ganun kay Duterte—ang intensyon talaga nila i-persecute ang mag-ama,” dagdag ni Pastor Apollo.

“Kaya itong mga nag-uudyok na ganito para lamang pulitika na naman yan harassment na naman iyan,” aniya.

Makikita aniya na ang resulta ng drug war ng administrasyong Duterte noon ay kapayapaan.

Binigyang-diin ni Pastor Apollo na noong panahong iyon ay talagang nagkaroon ng takot ang mga durugista sa mga awtoridad at tunay na nagkaroon ng pangil ang batas.

“Pero ang kabuuan ng drug war ano ang resulta, kapayapaan, ang mga durugista takot na meron pero nakatago na, tayo ay malaya—-‘yun ang hindi nila nakikita.”

“Bakit ba pag drug war? Gusto ba ng Pangulo patay dito patay doon? Sinabi ba nyang patayin lahat, sinabi nya sugpuin ang droga—protektahan niyo ang sarili ninyo,” dagdag ng butihing Pastor.

Ayon pa kay Pastor Apollo, hindi iginagalang ng mga makakaliwang grupo kabilang na si France Castro ang katayuan ng Pangulo ng bansa laban sa ICC.

Ito ay matapos ihayag ni France Castro na hindi dapat makialam si Vice Pres. Duterte sa mga tungkulin ng Mababang Kapulungan kasunod ng tatlong resolusyon na inihain sa Kamara na humihimok sa gobyernong makipagtulungan sa ICC.

“Kayo ang hindi gumagalang—pag sinabi ng Pangulo —in fact ang ICC hindi na nangingialam.”

“Syempre sasabihin ni France Castro—sila rin ang gumagawa,” ayon pa kay Pastor Apollo.

Matatandaan na kamakailan ay inihayag ni Pangulong Marcos na pinag-aaralan pa ang pagbabalik ng bansa sa ICC pero sa huli ay sinabi ring walang karapatan ang mga dayuhan mangialam sa anumang imbestigasyon sa bansa.

Follow SMNI NEWS on Twitter