UMAAPELA ngayon ang United Sugar Producers Federation (UNIFED) sa administrasyong Marcos na tulungan sila sa patuloy na pagbaba ng presyo ng asukal.
Ayon kay UNIFED President Manuel Lamata, malaking epekto na kasi sa mga sugar producer lalo na sa mga maliliit na magtutubo.
Sinabi pa ni Lamata, umaasa itong mabibigyang tugon nina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang kinahaharap ngayon ng mga sugar farmer.
Tinukoy nitong sa nakalipas na dalawang linggo lang, bumaba sa ₱2,300 hanggang ₱2,500 ang bentahan ng asukal kada bag sa Negros at Bukidnon.
Malayo ito sa ₱3,200 na presyuhan nito noong nakaraang taon.
Giit ni Lamata, nakababahala ito para sa sugar farmers dahil mas mababa rin ang mill gate price ngayon kumpara sa kanilang production costs.
Bukod dito, wala rin aniyang pagbabago sa retail price ng asukal na nakapako sa ₱80-₱85 kada kilo, dahilan kaya wala nang kinikita ang mga magsasaka.
“This is very disconcerting because mill gate prices are now at ₱50 per kilo which is way lower than our production costs. Moreover, retail prices continue to remain at ₱80 to ₱85 per kilo and the farmers are clearly not profiting from the local market prices,” ani Lamata.
Dagdag pa nito, problema rin sa kanila ang pagtaas sa presyo ng krudo at fertilizer.
Hirit nito sa gobyerno na matulungan ang industriya na hindi tuluyang malugi.
Isa sa kanilang nakikitang solusyon ay bilhin na lamang ng gobyerno ang asukal ng mga magsasaka.
“We know President Marcos’ heart is with and for the farmers as he has told us so, and we are calling for his intervention on this matter,” aniya.
Ito ay upang maibsan ang kanilang pangamba na mawalan ng trabaho ang mga nasa sektor.