IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. nitong Miyerkules sa mga ahensiya ng gobyerno na isagawa ang pagtatayo ng lahat ng pasilidad ng patubig at iba pang supporting structures sa loob ng apat na buwan.
Ito’y bilang bahagi ng pagsisikap ng bansa na tugunan ang mga epekto ng El Niño phenomenon.
Sa kaniyang talumpati sa inauguration ceremony ng Balbalungao Small Reservoir Irrigation Project (BSRIP) sa Nueva Ecija, pinaalalahanan ni Pangulong Marcos ang Department of Agriculture (DA) at ang kaakibat nitong ahensiya, ang National Irrigation Administration (NIA) na tuparin ang mga proyekto sa lalong madaling panahon.
Ipinaliwanag ni Pangulong Marcos na kailangan niyang magpataw ng apat na buwang deadline para sa pagsasakatuparan ng lahat ng irigasyon at iba pang kaugnay na proyekto.
“So, we remind once again the DA and the NIA to immediately complete the construction of irrigation facilities as well as other supporting structures based on the needs of our farmers … kailangan nating gawin ang lahat ng kaya nating gawin para tayo’y makapaghanda para sa ating magiging tagtuyot,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
PBBM, iniutos sa DA at NIA ang agarang pagkumpleto ng BSRIP sa Nueva Ecija
Kaugnay rito, ipinag-utos din ni Pangulong Marcos sa DA at na agad na tapusin ang pagtatayo ng supporting structures ng Balbalungao Small Reservoir Irrigation Project (BSRIP) sa Nueva Ecija upang makatulong sa pag-iwas sa epekto ng El Niño.
Inilahad ni Pangulong Marcos na ang BSRIP ay higit na magpapaunlad sa produktibidad ng agrikultura o magpapalakas ng produksiyon ng bigas sa Nueva Ecija na kilala rin bilang “Rice Bowl of the Philippines.”
“I also call upon the NIA and the Department of Agriculture to make sure that there is timely completion of the other facilities of the project, such as its hydropower and watershed components, so that communities will be able to fully enjoy the benefits of the project,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Ang BSRIP na nagkakahalaga ng P1.28-B ay binubuo ng mga imprastraktura ng patubig na natapos noong Pebrero 13, 2019.
Ang pagtatayo ng P887-M, 29.9 metrong taas na earth-fill dam at mga kasamang istruktura ay nagsimula noong Pebrero 5, 2020, at natapos noong Nobyembre 15, 2023, bago ang completion target na nakatakda sa Enero 2024.
560 magsasaka, makikinabang sa Balbalungao Small Reservoir Irrigation Project sa Nueva Ecija
Humigit-kumulang 560 na magsasaka at kanilang mga pamilya ang makikinabang sa irigasyon na hatid ng BSRIP sa halos 970 ektarya ng sakahan sa Nueva Ecija.
“Once fully operational, this multipurpose dam will provide irrigation for close to 1000 hectares of agricultural land in Barangays San Isidro, Balba-lungao, Salvacion, and Mapang-pang here in Lupao, benefiting about 560 farmers and their families,” wika ni Pangulong Marcos.
Layunin din ng proyekto na maglikha ng dagdag oportunidad sa kita sa pamamagitan ng pagtaas ng crop yields, fish culture at tourism.
Ang proyekto ay inaasahan din na masuportahan ang pangangasiwa ng watershed, makatulong sa hydroelectric power generation, at malabanan ang epekto ng El Niño sa bansa.
“I wish to emphasize that this project will also help address the effects of El Niño. We must be prepared to counter its effects, which may last until the second quarter of 2024.”
“Anticipating the success of the BSRIP in transforming the province’s lands into thriving hubs of productivity, we remain steadfast in our pursuit of food security, poverty reduction, and economic growth,” aniya.