VP Sara, hinamon ang mga taong iniuugnay siya sa Oplan Tokhang na magsampa ng kaso laban sa kaniya sa Pilipinas

VP Sara, hinamon ang mga taong iniuugnay siya sa Oplan Tokhang na magsampa ng kaso laban sa kaniya sa Pilipinas

SINAGOT ni Vice President Sara Duterte ang mga paratang laban sa kaniya na may kinalaman umano siya sa Davao Death Squad (DDS) at Oplan Tokhang, at sa mga insidente ng pagpatay o extrajudicial killings sa Davao.

Ayon kay VP Sara, bago ang script na ito dahil hindi kailanman siya naugnay sa isyung ito noong siya’y Vice Mayor at Mayor ng Davao.

“Bigla na lang nagkaroon ng testigo laban sa akin nang mahalal ako na Vice President. At kabilang na nga ako ngayon sa mga akusado sa International Criminal Court,” ani VP Sara Duterte.

Maliban sa tiyempo, sinabi ni VP Duterte na malinaw namang pinipilit lang na maikabit ang kaniyang pangalan sa nasabing isyu para siya ay maging akusado sa ICC.

“Ang pagpupumilit ng ICC na pakialaman ang ating hudikatora ay panghihimasok sa ating soberanya. Paglapastangan ito sa dignidad ng mga Pilipino at sa karangalan ng Pilipinas,” saad nito.

Sa huli, matapang na hinamon ni VP Sara Duterte ang sinumang testigo na magsampa ng kaso laban sa kaniya.

“Wala na itong debate, sa testigo at mga tao na nakapalikod sa kanya mag-file kayo ng kasong murder laban sa akin dito sa Pilipinas,” dagdag pa nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble