Ilang Filcom leaders sa Japan, nababahala sa sitwasyon ng Pinas sa ilalim ng pamumuno ni PBBM

Ilang Filcom leaders sa Japan, nababahala sa sitwasyon ng Pinas sa ilalim ng pamumuno ni PBBM

HINDI maitago ng ilang Filipino community leaders sa bansang Japan ang kanilang pagkabahala kasunod ng naging mga rebelasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sinabi ni Berwin Dy at Riza Nagumo, kapwa mga sumuporta kay Pangulong Marcos noong eleksiyon na sila ay nababahala sa magiging sitwasyon ng Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ng kasalukuyang Pangulo kung totoo man anila ang sinabi ni Duterte na siya ay drug addict.

 “Malaking backlash iyan. Unang-una maaapektuhan ‘yung ekonomiya talaga natin. ‘Yung investment ng foreigners natin, mag-iisip, “Paano tayo mag-iinvest kung ganiyan ang presidente ng bansa natin?” ayon kay Berwin Dy, Filipino Community Leader sa Japan.

“Kung ang ating lider (Presidente) ay adik, wala pang confirmation. Pero kung ang nagsabi ay hindi naman basta-bastang tao na si former President Duterte nagsabi. Ano na mangayari sa atin?” ayon kay Riza Nagumo, Filipino Community Leader sa Japan.

“Yung pangyayari diyan, nakakatakot. Nakakatakot,” dagdag ni Nagumo.

Ilang OFWs sa Japan, nadismaya kay Pangulong Marcos

Sinabi ni Dy at Nagumo na malaki ang pagkadismaya ng mga kasamahan nilang overseas Filipino workers (OFWs) sa Japan dahil sa isyung kinasangkutan ni Pangulong Marcos.

Pinaghirapan anila ang pangangampanya sa Pangulo noong eleksyon ngunit ganito ang naging resulta.

Anila napako lang din umano ang pangako ng Pangulo na ipagpapatuloy ang pagbabagong nasimulan ng administrasyong Duterte.

“Nahihiya ako at humihingi ako ng tawad doon sa mga nakasama namin na kung sa ngayon ay nagsisisi din sila or nahihiya din sila sa nangyari,” dagdag ni Dy.

“Kami rin. Sabi ko, kami rin. Hindi lang kayo. Kami rin nabudol. Hindi lang isa, dalawa tayong lahat na bumoto,” ani Nagumo.

Sa panig ni Dy, handa niyang patawarin si Pangulong Marcos kung hihingi ito ng patawad sa mga Pilipino sakaling totoo ang nasabing isyu.

Tanging hiling niya sa Pangulo ay magsabi ito ng totoo.

“Para sa akin gusto ko pa rin bigyan ng chance si BBM. Dahil ang pagboto natin sa kaniya 6 years eh. So, hayaan natin. May konsensiya ang tao eh. May konsensiya naman siya,” wika ni Dy.

“Dumaan man tayo sa ganitong pagsubok ngayon sa mga liderato nating iniluklok, bigyan pa natin ng konting chance ang pagkakataon na maitama ‘yung mali,” aniya.

Taliwas naman ito sa nais ni Nagumo.

“Ako ang panawagan ko ay magresign ka na Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mag-resign ka na. Binigyan ka ng chance ng bansang Pilipinas ng mga Pilipino,” ani Nagumo.

Binigyang-diin naman ng dalawang Filipino community leaders sa Japan na ang tanging hangad lang nila ay ang ikabubuti ng bansa.

Matatandaan na hindi tuluyang sinagot ni Pangulong Marcos ang alegasyong gumagamit siya ng ilegal na droga.

Sa halip, ang umano’y paggamit noon ng fentanyl ni Duterte ang sinisi ni Pangulong Marcos kaya nasabi ng dating Pangulo ang naturang pahayag.

Pero ayon kay dating Pangulong Duterte, responsibilidad ni Marcos bilang Punong- Ehekutibo na patunayan sa publiko na hindi siya adik.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble