DOJ sa NBI: Imbestigahan ang bomb threat sa gov’t agencies

DOJ sa NBI: Imbestigahan ang bomb threat sa gov’t agencies

AGAD na inatasan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa nakakaalarmang bomb threat na ipinadala ng isang unverified email account sa ilang ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan.

Nagpapakilalang Takahiro Karasawa ang email sender, na di umano’y isang Japanese lawyer mula sa isang partikular na “Steadiness Law Office” at may mataas na kaalaman sa paggawa ng bomba.

Batay aniya sa e-mail, yayanigin ng mga bomba ang mga pangunahing ahensiya ng gobyerno sa bansa sa ganap na 3:34 ng hapon, araw Pebrero 12, 2024.

Sa pahayag ni Sec. Remulla, sinabi nito na walang lugar sa ating bansa ang mga ganitong kalokohan o mga malisyosong pagpapakalat ng takot sa publiko.

Magsisilbing babala aniya ito sa mga nasa likod ng pananakot dahil hindi nila kukunsintihin ang mga ganitong gawain sapagkat hahabulin at pananagutin nila ito sa batas.

Kabilang sa mga nakatanggap ng bomb threat ay ang Department of Science and Technology (DOST), Department of Environment and Natural Resources (DENR), ilang paaralan sa Zambales at Bataan maging ang isang sangay ng RTC sa Cebu City.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble