ISA ang lalawigan ng Mt. Province sa mga suking pinupuntahan ng mga turista tuwing summer dahil sa malamig nitong klima, magagandang tanawin at ang mayamang kultura ng ating mga kababayang Igorot.
Maliban dito marami rin ang mga maipagmamayabang na produkto ang Mt. Province dahil ito ay isang agricultural area at nasa high land kaya naman tiyak na dekalidad ang mga produktong gulay rito.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Mt. Province Governor Bonifacio Lacwasan nito lang nakaraang lingo, umabot sa humigit-kumulang 10 libong turista ang umakyat sa Mt. Province para magpalamig.
“Usually 5 to 10 thousand for 1 week, ang usual na pumupunta dito” ayon kay Gov. Bonifacio Lacwasan, Mt. Province.
Gayun pa man kahit libo-libo ang umakyat sa Mt. Province, napanatili ng pamahalaang panlalawigan ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
“Ok naman, wala namang reported na incident, bad incident wala naman. We provided all the entrance of the Mt. Province for the operation center to assist and to monitor our visitors and also the conduct of Semana Santa so walang report na masama,” saad pa ni Gov. Lacwasan.
Pagdiriwang ng ika-17 Lang-ay Festival at ika-57 anibersaryo ng Mt. Province, inaabangan na ngayon
Samantala, sa darating na Abril 6 gugunitain ng mga taga-Mt. Province ang ika-17 anibersaryo ng Lang-ay Festival habang sa darating na Abril 7 ang ika 57 anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan.
“This occasion, will also give us a time to gather and share our experiences and ideas through our native songs chants and dances,’’ ayon kay Gov. Lacwasan.
Ayon kay Gov. Lacwasan na sa kasaysayan ng Lang-ay Festival, ito ang kauna-unahang longest event.
“Kaya nga sinabi ko kanina ito ang pinaka longest event na Lang-ay kasi mula April 1 to April 8,’’ dagdag pa ni Lacwasan.
Maliban sa mga nabanggit, tampok sa Lang-ay Festival ay ang Agro Industrial Trade Fair.
“Yun ang Agro Fair, Agricultural Agro Fair lahat po ng product namin, puwede kayo maglibot ‘jan siguro we will come up also product of other provinces siguro 50% of the display are from Mt. Province,” ayon pa kay Lacwasan.
Sa huli, hinikayat ni Lacwasan ang ating mga kababayan na saksihan ang naturang aktibidad.
‘‘For the people of Mt. Province gaya ng dati, palagi tayo dito, suportahan natin ‘yung Lang-ay Festival at sa outside Mt. Province, welcome po kayo dito. Mt. Province is very peaceful po kaya para matunghayan naman ninyo ma-witness ninyo kung ano ang maibibigay namin para sa inyo,” ani Lacwasan.