Bangketang ginawang talyer sa Tondo, sapul sa clearing operation ng MMDA

Bangketang ginawang talyer sa Tondo, sapul sa clearing operation ng MMDA

MALA tug-of-war ang eksena sa clearing operation ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos pag-agawan ang isang truck na nakaharang sa isang bangketa sa Tondo, Maynila na ginawang talyer.

Iyan ang naging eksena sa clearing operation ng MMDA sa isang bangketa na ginawang talyer sa Road 10 sa Tondo, Maynila nitong Martes ng umaga.

Hahatakin na sana ng MMDA ang isang truck na lumagpas na sa bangketa ngunit pilit itong itinulak papasok ng mga tauhan ng nasabing talyer.

‘‘Ang problema tinutulak niyo. Hindi pupwede na ang illegal parked na sasakyan na aalisin na de-tulak. You should be able to mobilized or moved on its own,’’ ayon kay Gabriel Go, Officer-in-Charge, MMDA Special Operations Group.

Pero ikinatwiran ng mga ito na nasorpresa umano sila sa ginawang operasyon ng MMDA kaya naitulak na lamang nila ang nasabing truck.

Sagot pa ng mga ito na dapat anila ay nag-abiso ang MMDA na magsasagawa sila ng clearing operation sa nasabing lugar.

Anila, matagal na rin na naka-park ang kanilang mga truck sa bangketa.

‘‘So ngayon, sinasabi niyo pong abiso. Hindi po dapat inaabisuhan ang clearing operation. Kasi kung nag-abiso pa tayo ano pa pong kwenta ng trabaho natin? Eh di kapag sinabihan kayo,’’ ayon pa kay Go.

Tumagal ng ilang minuto ang pag-uusap hanggang sa tiniketan na lamang ng MMDA ang mga truck at binigyan lamang sila ng hanggang Miyerkules para ilipat ang mga ito sa tamang lugar.

MMDA, ikinasa ang isang clearing operation sa Road 10 sa Maynila

Uminit din ang eksena sa pagitan ng mga tauhan ng MMDA at may-ari ng isang tricycle matapos kinuha ang kanilang tricycle na ilegal na naka-park sa Road 10.

Sapul din sa operasyon ang mga motoristang hindi naka-helmet, walang mga lisensiya at naka-tsinelas lamang habang nagmamaneho sa Delpan sa Tondo.

Ayon kay MMDA Special Operations Group Officer-in-Charge Gabriel Go na ang nasabing operasyon ay bahagi ng kanilang hakbang upang maging maayos ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar partikular na sa Road 10.

Lalo na ngayon aniya na nagsibalikan na ang mga umuwi ng probinsiya noong Semana Santa.

‘‘So, napaka-busy po nitong highway na ito, in which most of the cars or most of the trucks passing through here are carrying commodities or essential goods po natin na galing po sa pier natin. So, it is a must no’ to ensure na the roads are clear all the time para kahit papaano ay hindi po maantala ang mga deliveries,’’ saad pa ni Go.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble