POLITIKA ang dahilan kung bakit nakararanas ng matinding panggigipit si Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ.
Ito ang sagot ni Sen. Robin Padilla nang tinanong kung bahagi ba ng political oppression ang iba’t ibang issue at kaso na kinakaharap ng butihing Pastor.
Bukod kay Pastor Apollo ay pinatawan naman ng National Telecommunications Commission (NTC) ng indefinite suspension ang Sonshine Media Network International (SMNI) kung saan madalas na lumalabas ang kaniyang mga programa.
“Yung mga ganitong bagay ‘di natin maiiwasan na magkaroon ng kulay politika. Alam natin ang naganap noong panahon ng admin ni PRRD at sa admin ngayon. Siyempre ‘di tayo mga bulag. Alam natin yan, No. 1 supporter ni PRRD si PACQ,” pahayag ni Sen. Robin Padilla.
Bukod sa Regional Trial Court ay pinasisipot din sa pagdinig ni Risa Hontiveros sa Senado si Pastor Apollo batay lamang sa mga walang ebidensiyang akusasyon.
Kahit ang nais ni Sen. Padilla na imbestigahan ang ‘di makatarungang indefinite suspension sa SMNI ay ‘di pa rin natutuloy-tuloy sa kabila ng matagal na niya itong hiniling sa liderato ng Senado.
“Yung kaso ni Pastor nagdomino na. 1 program lang sinasabing nagkaroon ng pagmamalabis pero buong istasyon na (ang sinuspinde). Napakaraming issue na pwede nating pag-usapan sa hearing pero ‘di pa scheduled ang hearing,” dagdag ni Padilla.
Paalala naman ni Sen. Robin na hindi dapat pinangingialaman ng politika ang relihiyon.
Bukod sa gagastos ng pera dito ang gobyerno na puwede naman aniyang pag-usapan nang tahimik ay marami din ang masasaktan dahil sa isang lider ng malaking relihiyon ang inuusig.