HINDI dadalo sa imbestigasyon ng House of Representatives tungkol sa war on drugs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sinabi ni Bato na ito ay ayon na rin sa payo ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Kahit wala pa siyang natatanggap na opisyal na imbitasyon mula sa House Committee on Human Rights, sinabi ni Dela Rosa na hinanap niya ang gabay ni Escudero kasunod ng mga kamakailang pangyayari sa Mababang Kapulungan.
“Hinanap ko ang payo ng Pangulo ng Senado kung ano ang gagawin. Sa akin wala akong problema, I can face them anytime. Pero syempre, kailangan ko sundin ang gabay ng Pangulo ng Senado bilang isang miyembro ng institusyon, ang Senado ng Pilipinas. Kailangan ko sundin ‘yung guidance niya,” pahayag ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa isang panayam sa radyo.
“Ang kanya namang sagot, ‘No, you don’t have to attend’ dahil ‘yun nga may mga discussion sa Senado na every time na lang merong i-pa-pop out na pangalan ng senador sa hearing nila, ibe-break natin ‘yung inter-parliamentary courtesy. Ano ang magagawa ng senador? Bente-kwatro lang kami, sige na lang attend sa hearing nila wala nang magagawa ang Senado sa kanyang legislative function,” dagdag pa ng dating hepe ng pulisya.
Nilinaw ni Dela Rosa na sumusunod lang siya sa matagal nang tradisyon sa Senado na sundin ang kanilang pinakamataas na lider.
“Kailangan natin maghanap ng gabay dahil nga that is an enshrined practice, tradition among chambers of legislature to observe inter-parliamentary courtesy,” sabi ng mambabatas mula sa Mindanao.
“Every time you make an official act, alam ‘yan ng liderato ng Senado para hindi tayo magkasisihan sa bandang dulo na gawa-gawa ka ng sariling desisyon d’yan in your official capacity na hindi alam ng liderato ng Senado,” dagdag pa niya.
Sa parehong panayam, hinamon ni Dela Rosa ang mga nagsasabing dapat siyang managot at ang dating Pangulong Duterte sa kanilang papel sa kampanya laban sa ilegal na droga na magsampa ng nararapat na kaso sa mga korte ng Pilipinas.
“Kung meron siyang ebidensya, magsampa siya ng kaso laban sa amin. Mag-file siya ng kaso kung gusto niya. Handa kaming humarap sa anumang korte dito sa Pilipinas,” sabi niya.
“Hindi ‘yan sa sentimyento, kundi sa ebidensya ‘yan. Magbabase tayo sa ebidensya, hindi sa sentimyento. Kung meron kayong ebidensya, [mag-]file kayo sa korte,” pagtatapos niya.