Modus sa bentahan ng swab test slot, timbog sa Pasig

Modus sa bentahan ng swab test slot, timbog sa Pasig

ISANG suspek na sangkot sa pagbibenta ng swab test slot sa isang pampublikong ospital sa Pasig city ang naaresto ng mga otoridad.

Mula sa isinagawang entrapment operation, arestado si Arvie Tabago Racela, 23 taong gulang, nagtatrabaho bilang molecular encoder sa Childs Hope Hosital (CHH) sa Pasig city.

Kasama ng suspek ang isang Aljohn Santos Collado, residente ng Kalawaan, Pasig City.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagkakuntsabahan ang dalawa para sa iligal na pagbibenta ng swab test slot mula sa ospital na pinagtatrabuhan ng naunang suspek.

Sa report ng pulisya, may kakayanan ang mga suspek na mameke ng mga dokumento para palabasing residente ng Pasig City ang isang tao upang maka-avail ng mas mura o libreng swab test.

Isang BPO company sa lungsod ang nagreklamo sa mga otoridad matapos na hingan ang kanilang kompanya ng P900 na refund matapos na sumailalim sa isang swab test procedure ang ilang empleyado nito matapos na napag-alaman na mayroong nagpositibo na isa pang empleyado sa nasabing BPO company.

Ayon sa panuntunan ng lungsod, ang sinumang nagkaroon ng close contact sa isang nagpositibo ng COVID-19 ay libre na ito sa swab test kapag residente ito ng Pasig.

Napag-alaman sa record ng ospital, hindi taga-Pasig ang mga nagpa-swab test kung kaya’t dapat may bayad ito sa proseso ng pagpa-swab.

Lumabas sa pagsusuri na nagawang pekein ni Racela ang mga dokumento at pinalabas na residente ito ng Pasig kung kaya’t libre itong nakakuha ng swab test procedure.

Pero kalaunay, naniningil din ito ng bayad sa mga biktima nito.

Nauna nang sinabi ng Pasig City Police na hindi nila ito tatantanan sa posibilidad na mayroon pa itong kasabwat hindi lang sa kanilang pinagtarabahuan na ospital kundi maging sa city hall.

Nangako ang mga otoridad na ilan lamang ito sa mga binabantayan ngayon ng kanilang hanay na klase ng pang-aabuso lalo na ngayong panahon ng pandemiya kung saan buhay ang nakasalalay habang lalo pang lumalala ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Matatandaang nauna nang hindi nagustuhan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang ilang insidente ng vaccination slot for sale, at ilan pang pagpapasingit ng mga transaksyon na may kinalaman sa bakuna sa lungsod.

SMNI NEWS