MASAYANG-masaya na pinapurihan ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang pagkakapirma sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 11997, ang KaP o Kabalikat sa Pagtuturo Act.
Ayon kay Revilla na siyang pangunahing may-akda at sponsor ng naturang batas, ang pag-apruba sa IRR ay pagtatapos ng mahabang proseso na pinagdaanan nito at ngayon ay handa nang ipatupad.
Matatandaang si Revilla ang nagsulong sa pagkakapasa ng batas, mula sa pagsulat at pagbuo ng panukala, maging sa sponsorship nito hanggang sa interpellation kung saan humarap siya sa mga kapwa niya senador upang iparating at ipagdiinan ang kahalagahan ng agarang pagsasabatas nito.
“Sa wakas, the long wait is over! Matagal man ang naging laban, naipanalo pa rin natin ang kapakanan ng ating mga guro! Ang pag-apruba ng IRR na ito ang hudyat na ready for implementation na ang batas na ating inilaban na maipasa. Garantisadong matatanggap na ng ating mga bayaning guro ang P10,000 teaching allowance. Ito ang pangarap natin para sa kanila bilang suporta at pagkilala sa kanilang napakahalagang papel na ginagampanan sa sektor ng edukasyon,” ani ng batikang mambabatas.
Pinasalamatan din ni Revilla ang bagong kumpirmadong kalihim ng Department of Education (DepEd) na si dating Sen. Sonny Angara sa agarang pag-apruba nito sa nasabing IRR.
“Nagpapasalamat rin tayo sa ating newly confirmed DepEd Secretary Sonny Angara for making the approval of Kabalikat sa Pagtuturo Act’s IRR, one of the first acts of his good and promising administration,” ani Revilla.
Itinatag ng KaP Act at ginawa nitong permanente ang pagbibigay ng teaching allowance sa mga guro ng pampublikong paaralan. Umpisa next year, makakatanggap na ang mga guro ng P10,000 para ipambili ng mga kagamitan para sa aktwal na pagtuturo ang mga kaakibat na gastusin.
“Sa ating mga teachers, natupad na natin ang ating pangako sa kanila. Pero gaya nga ng lagi kong sinasabi, this is not the last. Marami pa tayong mga isusulong na mga panukala upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kapakanan,” pahayag ng mambabatas.