HINDI na sasakupin ng guidelines ng Commission on Elections (COMELEC) sa pagpaparehistro ang mga social media account na gagamitin sa pangangampanya ng mga pribadong indibidwal.
‘Yan ang bagay na ipanunukala ni Chairman Atty. George Garcia sa COMELEC EnBanc.
Sa naunang patakaran kasi na inilabas ng komisyon, maging ang mga pribadong indibidwal na magpapahayag ng kaniyang suporta sa isang kandidato ay kailangang magparehistro ng kaniyang account sa komisyon.
Aminado si Garcia na hindi nila puwedeng saklawin ang constitutional rights ng isang pribadong individual sa kanilang paghihigpit sa paggamit ng socia media ng mga kandidato at political parties.
Bastos at fake news na content sa social media, babantayan ng COMELEC
Ayon kay Garcia, hindi sila mangingialam sa kahit anong ipopost ng mga kandidato sa kanilang mga social media accounts pero pakiusap nito, huwag magpalaganap ng fake news at mga content na may kabastusan.
Sa pagpaparehistro ng mga kandidato ng kanilang mga social media accounts, kailangan nilang suportahan ito ng affidavit sa komisyon.
COMELEC at MMDA, magsasanib-puwersa para sa pagbabantay ng 2025 midterm elections
Samantala, magsasanib puwersa naman ang COMELEC at ang MMDA para sa pagbabantay sa mangyayaring halalan sa 2025.
Ito ay kasunod ng kanilang nilagdaang memorandum of agreement, araw ng Martes.
Ilan sa ide-deputize ng komisyon ay ang mga personnel ng MMDA na magmo-monitor sa eleksiyon maging ang mga kagamitan na kakailangain ng command center ng komisyon.
Ang komisyon gusto namang mabigyan ng insentibo ang mga personnel ng ibang ahensiya tulad ng MMDA na magiging katuwang nila sa operasyon sa halalan.
Maging ang operasyon para sa pagbabaklas ng mga oversize na mga election posters ay pagtutulungan ng MMDA at COMELEC.
Pero, aminado ang komisyon na walang magagawa ang COMELEC sa mga lumalabas na mga election material ngayon ng mga tumatakbo.
Pagdating kasi sa darating na halalan, maikukunsidera lamang ang kandidato ang mga aspirant kapag nagsimula na ang campaign period sa Pebrero para mga tumatakbo sa national post.
Mga election poster na makakasagabal sa kalsada at motorista, tatanggalin ng MMDA
May mga binaklas na umano na election posters ang MMDA sa kahabaan ng EDSA dahil sa pagsasabit nito sa mga ipinagbabawal na lugar or bagay tulad ng streetlights.
Ayon dito, anumang obstruction o balakid sa kalsada at mga motorista, political poster man o hindi ay babaklasin nila.