NGAYON pa lang nagpahayag na si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Atty. George Garcia na hindi ito pabor sa paggamit ng artificial intelligence (AI) sa pangangampanya para sa 2025 election.
Sa isang sulat, inirekomenda ni Garcia sa COMELEC en banc na ipagbawal ang AI sa pangangampanya.
Sinabi nito na nag-aalala ang mga eksperto patungkol sa panganib ng AI, lalo na ang deep fakes, na maaaring magamit sa panlilinlang at maghasik ng maling impormasyon sa mga botante at mga kandidato.
Binanggit niya ang isang pangyayari kung saan kahit ang Pangulo ng bansa ay naging biktima aniya ng mga AI-generated na deep fake videos na ang layunin ay lokohin ang mga manonood.
Ayon kay Garcia, ang pag-abuso sa teknolohiyang AI sa mga materyales ng kampanya — kabilang ang mga video, audio, at iba pang anyo ng midya — ay maaaring magdulot ng misrepresentasyon sa halalan.
“Alam po natin modern technology, bakit ba hindi? Subalit dapat kapag kampanya ikaw mismo ang nakikita ng sambayanan. Ikaw mismo ang nanliligaw sa kanila,” pahayag ni Atty. George Garcia, COMELEC.
“Masyado po itong threat sa ating demokrasya. Masyadong threat ito sa tunay na ginagawa kapag mayroong halalan at kapag merong kampanya,” dagdag ni Garcia.
Ayon naman kay dating Cong. Edgar Erice, maaaring magkaroon ng regulasyon ang COMELEC sa paggamit ng AI pero ang tanong — sa paanong paraan ito maire-regulate ng COMELEC?
“Pwedeng regulation. Pero papaano mo i-reregulate ‘yong kandidato. May lumabas na ganito, pwedeng sabihin niya na hindi naman ‘yan galing sa amin parang poster, bawal dito, may maglalagay pa rin pero sasabihin ng kandidato hindi naman ako naglagay niyan,” saad ni Former Cong. Edgar Erice.
Ayon naman kay Tech Expert Art Samaniego, dapat na pagbawalan ang social media sa paggamit ng AI.
“So anong mga source ng mga AI? Social media. Facebook, X, saka Instagram,” wika ni Art Samaniego, Tech Expert.
Ayon naman kay Sen. Sherwin Gatchalian, dapat matukoy ng COMELEC anong mga application ng AI ang dapat na i-ban.
“We have to clarify din kung anong iba-ban sa AI dahil masyadong malawak ang application ng AI. Nasabi ko nga kanina, ‘di malayo na you can ask AI, pwede mong sabihin gawan mo ako ng commercial, gagawan ka niya ng commercial. So, may mga applications na legal at may mga application na illegal, example gumawa ka ng advertising laban sa kalaban mo.. you have to really narrow down kung ano ba ‘yong pagbabawalan. Admittedly, the AI is the moving target kaya dapat ang regulator na COMELEC mabilis din,” pahayag ni Sen. Sherwin Gatchalian.