WALA nang makakahadlang sa Department of Agriculture (DA)—tuloy na kasi ang pagdedeklara nila ng ‘Food Security Emergency’ para sa bigas matapos ang ilang linggong paghihintay.
Mismong si DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang nagsabi na nitong Huwebes, Enero 30 ay natanggap na ng kaniyang opisina ang resolusyon hinggil sa inaprubahang rekomendasyon ng National Price Coordinating Council (NPCC).
At posible ngayong Biyernes, Enero 31 niya pipirmahan ang resolusyon—ngunit makikipagpulong muna ang kalihim sa National Food Authority (NFA) at Food Terminal Incorporated (FTI) para sa nakatakdang rollout.
“Natanggap na kahapon while I was still in the US nung resolution that I have to sign as part of the board. Then by Tuesday malamang we will be declaring a rice emergency,” ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Araw ng Miyerkules kaagad ay sisimulan na ng NFA ang pagbebenta ng 300,000 sako ng mga lumang suplay na bigas na tatlong buwan nang nakatengga sa mga bodega.
Ibebenta raw ng NFA sa halagang P36 sa mga lokal na pamahalaan ang mga aging stock na bigas at P38 naman daw’ng itong mabibili ng mga konsyumer.
Magiging nationwide daw ang bentahan ng bigas sa mga LGU kumpara sa nauna nitong pahayag na NCR at iba pang kalapit lalawigan.
Agri group, hindi kontento sa ginawang basehan ng DA para magdeklara ng Food Security Emergency sa bigas
Kaugnay niyan, hindi naman kontento ang grupong Federation of Free Farmers (FFF) sa naging legal na basehan patungkol sa National Capital Region (NCR).
Pinuna rin ng FFF kung bakit bigo ang NFA na maayos ang kanilang supply management upang maiwasan ang sobra-sobrang buffer stocks na nasa mga bodega ng NFA.
“At this point ay hindi kami satisfied na there is really a basis for declaring a food security emergency unless ipalinaw muna sa amin para kami ang maging batayan. Mahirap tumanggap ng isang deklarasyon na posibleng magpapababa pa sa presyo ng palay sa susunod na buwan,” wika ni Leonardo Montemayor, Chairman, FFF.
Dagdag pa ng dating kalihim ng DA na si Leonardo Montemayor at Chairman ng FFF.
“Mababaw na rason ‘yun o dahilan. Dapat nga ang NFA ay tanungin kung bakit hindi nila naayos ‘yung kanilang stock management sa NFA para hindi sila humantong sa sitwasyon ngayon sa sinasabi nila na punong-puno ang bodega nila hirap silang makabili ng palay ngayon,” ani Montemayor.
Samantala, handa aniyang harapin ni DA Sec. Laurel ang sinumang maghahain ng reklamo sa korte patungkol sa pagdedeklara ng food security emergency.
“Depende kung anong possible complaint ang kanilang ifi-file kung anong rational nila but we will know when we get it. But, of course kung farmers ang nagrereklamo ng ganyan we have to think baka maging mis-guided sila,” ani Laurel Jr.