KAMAKAILAN ay nasugatan sa isang shooting incident si reelectionist Datu Piang Vice Mayor Omar Sumama habang nagsasalita ito sa isang local event sa Brgy. Magaslong, Maguindanao del Sur.
Maliban dito, marami pang election-related incidents ang naire-report sa COMELEC na hindi pa nakararating sa media.
Inoobserbahan din ng komisyon ang bahagi ng Cotabato.
Binalita naman ni Garcia na naghain na ng murder case ang kanilang Sulu provincial supervisor matapos din itong mabiktima sa shooting incident sa Zamboanga, kasama ang kaniyang kapatid na sa kasamaang palad ay hindi nakaligtas sa insidente.
Nilinaw naman ng komisyon na wala pa silang inilalagay na lugar sa ilalim ng COMELEC control dahil sa karahasan, pero maaaring maraming lugar ang mailalagay sa red areas mula sa orange category.
Sa naunang datos, nasa 38 na lugar ang inilagay sa red category.
Pero kung kinakailangang may ilagay sa kontrol ng komisyon, gagawin daw ito ng COMELEC.
Gusto naman ng COMELEC na mawala na ang lahat ng private armed groups at ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga kandidato ng public armed group.
Samantala, patuloy namang nakatatanggap ng reklamo ang COMELEC pagdating sa diskwalipikasyon ng mga kandidato.
Kamakailan lang, sinampahan ng disqualification case ang Construction Workers Solidarity (CWS) Partylist dahil sa umano’y pamimili ng boto matapos mamigay umano ng kotse sa isang event sa Batangas.
Ngayong araw naman, muling nakatanggap ng panibagong petisyon para sa diskwalipikasyon ang Comelec laban kay Erwin Tulfo dahil sa isyu ng political dynasty.
Bago ito, may naisampa nang parehong reklamo laban sa mga Tulfo na kasalukuyang nasa 1st division.
Sa ngayon, nasa 200 disqualification cases ang nakapending sa COMELEC, at nais ng komisyon na bago ang halalan ay maresolba na ito ng poll body.
Samantala, nais din ng poll body na hindi na makatakbo sa halalan ang mga kandidatong naideklara na ng COMELEC bilang nuisance candidate.
Patuloy na binabantayan ng COMELEC ang sitwasyon sa iba’t ibang lugar sa bansa, kasabay ng pagproseso sa mga petisyon at reklamo kaugnay ng halalan. Sa nalalapit na Eleksyon 2025, patuloy ang pagtutok ng komisyon para matiyak na maipatutupad ang mga alituntunin alinsunod sa batas.