Libreng antigen, RT-PCR test sa local tourists epektibo na simula Nov. 1

EPEKTIBO na ngayong a-uno ng Nobyembre ang libreng antigen at RT-PCR test sa mga turistang nagnanais na bumisita sa mga tourist destination sa Pilipinas.

Inanunsyo kamakailan ng Tourism Promotions Board (TBP) sa pakikipagtulungan sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) ang naturang libreng tests para sa travel requirements ng mga kuwalipikadong lokal na turista na pupunta sa mga local destinations ng bansa.

Kasunod nito, inilahad ni Puerto Galera Municipal Administrator Carmela Datinguinoo ang muling pagbubukas ng turismo ng kanilang lugar para sa mga turista.

Aniya hindi na required na ipresenta ng mga fully vaccinated individual ang kanilang RT-PCR test result.

Habang ang mga nasa 1st dose pa lang ng kanilang covid-19 vaccine ay maaaring mabigyan ng libreng antigen test sa bawat itatalagang munisipyo.

Saad ni Datinguinoo, sapat naman ang pondo ng kanilang lokal na pamahalaan upang maipagpatuloy ang free rapid antigen test sa lahat ng bibistang turista.

Binigyang-diin pa nito na hindi lamang bukas ang libreng rapid antigen test sa mga leisure traveller, bagkus ang mga residente ay maaari ring makinabang nito.

Istrikto naman aniyang sinusunod ng Puerto Galera ang lahat ng alintuntunin ng Department of Tourism (DOT) pagdating sa mga tourism site kung saan nasa 50% capacity lamang ang maaaring i-accommodate, ganoon din sa mga resort na accredited ng ahensya at sa mga tourism activities.

Dahil sa patuloy na pagluluwag na ginagawa ng munisipalidad, nakahanda ang Puerto Galera government sa mga paparating na mga turista ngunit mahigit 1,000 katao lamang ang maaaring i-accommodate araw-araw.

Nag-deploy ang lokal na pamahalaan ng Tourism LGU Marshalls na mahigpit na magbabantay sa mga turista sa iba’t ibang sites.

Maliban dito, nakahanda ang kanilang ACU center o Acute Covid Unit Center at isolation quarantine facility na accredited ng Department of Health (DOH) para sa mga local tourist na posibleng positibo sa virus.

Bukod sa Puerto Galera, bukas na rin sa publiko ang ilang beach getaways ng Boracay, Bohol at Batangas na maaaring dayuhin ng mga lokal na turista lalo’t papalapit na ang pasko.

SMNI NEWS