AYON sa Malacañang, dapat maging mahinahon ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa gitna ng panawagan nilang “zero remittance week” bilang protesta sa sitwasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Giit ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ipinatutupad lamang ng gobyerno ang batas sa kaso ni Duterte.
Dagdag pa niya, hindi lang ang gobyerno ang maaapektuhan ng isang linggong paghinto ng padala kundi pati ang mga pamilya ng mga OFW.
Ngunit hindi pinalampas ng Maisug Croatia ang pahayag na ito. Mariin nilang kinondena ang anila’y hindi patas na pagtrato kay Duterte.
“With all due respect Ma’am Castro hindi po pwedeng sabihin ganoon na dapat mahinahon dahil unang-una nakikita namin kung ano ang pagtrato ng ating pamahalaan kay Tatay Digong. Kitang-kita po namin sa video kung paano pwersahang pinaalis sa bansang Pilipinas ang ating mahal na pangulo. At hindi niyo kami masisisi kung ganito ang nararamdaman namin para sa ating mahal na Pangulo,” saad ni Erwin HR, Vice Chairman, Maisug Croatia.
Maisug Croatia sa Malacañang: bakit sa ibang bansa nililitis si FPRRD kung talagang batas ang sinusunod?
Pinuna rin ng Maisug Croatia ang pahayag ng Malacañang na sumusunod lamang umano ito sa batas.
“Tama po kayo mayroon po tayong batas na sinusunod. Bat hindi po ba nararapat na doon lilitisin ang kaso ni Tatay Digong sa Pilipinas, doon sa bansa natin? Tama din po ba na ipadala natin o isurrender natin si Tatay Digong sa mga banyaga? When in fact we are not anymore a member of the International Criminal Court. I am not a lawyer pero I can read and I can understand,” aniya pa.
Dagdag pa ni Erwin, buo ang loob ng kanilang grupo sa pagsisimula ng “zero remittance week.” Handa raw silang magtiis para kay Duterte.
“Ma’am Castro huwag niyo pong aalahanin ang aming pamilya kung magugutom sila or ano pa man ang mararansan nila. Nag-usap usap na po kami na sa ganitong petsa from March 28 to April 4 hindi kami magpapadala sa inyo. So alam na po nila ang gagawin. At handa po kaming magtiis para sa aming mahal na Pangulong Rodrigo Roa Duterte,” giit nito.
Ang isang linggong pagtigil sa pagpapadala ng remittances ay isang matapang at matinding pahayag ng mga OFW laban sa administrasyong Marcos—isang sigaw ng pagkakaisa upang ipanawagan ang pagpapauwi kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas!
Magsisimula ang kilos-protesta sa mismong ika-80 kaarawan ni Duterte sa Marso 28, 2025—isang makasaysayang hakbang na sumasalamin sa matinding pagtutol at pagkondena sa kaniyang pagkakakulong sa International Criminal Court (ICC).