PH medical teams handang rumesponde sa lindol sa Myanmar at Thailand—DOH

PH medical teams handang rumesponde sa lindol sa Myanmar at Thailand—DOH

KASUNOD ng pagyanig ng magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar at Thailand, iniutos ng DOH sa PEMAT na manatiling naka-standby para sa agarang deployment.

Ayon kay DOH OIC Assistant Secretary at Spokesperson Dr. Albert Domingo, maaaring agad na ipadala ang mga team kapag nakumpleto na ang international coordination protocols at natanggap ang opisyal na kahilingan mula sa mga apektadong bansa.

Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa mga kalapit-bansang tinamaan ng lindol sa ASEAN upang tiyakin ang maayos na pagtugon sa humanitarian needs.

Ang tatlong team ay binubuo ng mga medical expert mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa:

  • PEMAT Luzon – Jose B. Lingad Memorial General Hospital
  • PEMAT Metro Manila – Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium
  • PEMAT Visayas – Eastern Visayas Medical Center

Ang mga ito ay may international certification at kinikilala para sa humanitarian deployment. Sinuri din ang kanilang kakayahan sa clinical management, logistics, at water, sanitation, and hygiene (WASH), ayon kay Domingo.

“Ang lahat ng tatlong PEMAT ay inuri bilang Type 1 Fixed EMTs, na nangangahulugang maaari silang magbigay ng daylight hours na pangangalaga para sa acute trauma and non-trauma presentations, at mga referral,” ani DOH OIC Assistant Secretary at Spokesperson Dr. Albert Domingo.

Dagdag pa ng DOH, handa rin ang PEMATs na magsagawa ng community-based primary care at health surveillance sa pamamagitan ng kanilang nakapirming outpatient facilities.

PHL Embassy, binabantayan ang mga Pilipino sa Thailand matapos ang lindol

Samantala, pinabulaanan ng Embahada ng Pilipinas sa Thailand ang kumakalat na impormasyon na “10 Pilipino ang nasawi sa lindol” sa naturang bansa.

Sa inilabas nitong advisory, nilinaw ng embahada na ito ay maling impormasyon.

Sa isang social media post sa official Facebook page ng embahada nitong hapon ng Marso 29, tiniyak nito na wala pang natatanggap na ulat tungkol sa mga Pilipinong nalagay sa peligro dahil sa naturang lindol.

Gayunman, patuloy ang monitoring ng embahada sa sitwasyon at nakahanda itong magbigay ng agarang tulong sa sinumang Pilipino na maaaring maapektuhan ng sakuna.

Pinayuhan din nito ang mga kababayang nasa Thailand na manatiling alerto, kumuha lamang ng impormasyon mula sa opisyal na mga source, at iwasan ang pagpapakalat ng fake news.

Para sa mga nangangailangan ng emergency assistance, maaaring makipag-ugnayan sa embahada sa pamamagitan ng Assistance-to-Nationals (ATN) hotline o mag-email sa [email protected].

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble