Halos 3,000 PDL, pinalaya ng BuCor sa ilalim ng reporma sa hustisya

Halos 3,000 PDL, pinalaya ng BuCor sa ilalim ng reporma sa hustisya

HALOS 3,000 Persons Deprived of Liberty (PDL) ang sabay-sabay na binalikan ang kanilang kalayaan matapos palayain ng Bureau of Corrections (BuCor) mula Abril 1 hanggang Hunyo 11 ngayong taon.

Isinabay ito sa isang makabuluhang seremonya ngayong Miyerkules sa loob ng New Bilibid Prison Compound sa Muntinlupa City bilang simbolo ng panibagong pag-asa at pagbabalik sa lipunan.

Ayon kay BuCor Chief Catapang, ang mga pinalayang PDL ay batay sa iba’t ibang legal na kadahilanan, gaya ng pagkatapos ng sentensiya, pagkakaabsuwelto, parole, habeas corpus, probation, at court order at turnover.

Modes of Release of PDLs (April 1 – June 11, 2025):

  • Expiration of sentence – 2,373
  • Acquittal – 228
  • Parole granted – 212
  • Release via writ of habeas corpus – 76
  • Granted probation – 59
  • Turned over to jail due to another case – 1
  • Court order and turnover (with pending case) – 1

Sa kabuuan, umabot na sa 23,579 ang kabuuang bilang ng mga PDL na napalaya sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan ng BuCor.

Dagdag pa ni Catapang, naging malaking tulong ang desisyon ng Korte Suprema na payagan maging ang mga nahatulan sa mabibigat na krimen na makinabang sa Good Conduct Time Allowance (GCTA), kaya’t naging posible ang maagang paglaya ng ilan sa kanila.

“Kasi every month ngayon because of the GCTA, at least 1,000 ang nari-release natin, dati 300 lang. Talagang malaking tulong ang GCTA,” ayon kay Gen. Gregorio Pio P. Catapang.

Samantala, tiniyak ni Catapang na mayroong reintegration program para sa mga dating bilanggo o mga nakalayang PDL.

Aniya, sa pamamagitan ng tamang programa sa pagbabalik-loob, nababawasan ang posibilidad na sila’y muling gumawa ng krimen.

Sa pakikipagtulungan ng mga ahensyang gaya ng DOLE, DSWD, TESDA, DOH at PhilHealth, layong matulungan ang mga dating PDL na makahanap ng trabaho batay sa kanilang mga kasanayan.

Sa ngayon, katuwang na ng BuCor ang PEZA (Philippine Economic Zone Authority) upang mabigyan ng oportunidad ang mga dating PDL na magtrabaho sa loob ng mga economic zones.

“Let’s say lalaya na sila, nandoon sila sa PEZA zone. May agreement na ang mga corporation na nagtayo sa PEZA zone — paglaya nila, they will be regular employees,” saad ni Catapang.

Ayon kay Catapang, hinihintay na lamang ang pinal na deklarasyon para sa kauna-unahang Mega PEZA Zone sa Pilipinas na itatayo sa Palawan, sa isang limang ektaryang bakanteng lupa na nakatakdang gawing business area.

Tiniyak din ni Catapang na hindi lang Palawan ang makikinabang, kundi maging ang iba pang lugar sa bansa na may PEZA zones, kung saan maaaring mabigyan ng trabaho ang mga kasalukuyan o dating PDL.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble