Driver ng EDSA bus carousel sinuspinde ng 90-araw dahil sa insidente na pagkuyog sa PWD

Driver ng EDSA bus carousel sinuspinde ng 90-araw dahil sa insidente na pagkuyog sa PWD

RINIG na rinig sa video na kuha ng isang pasahero ang pagsigaw at pag-iyak ng isang lalaking may kapansanan o may mental disorder habang binubogbog siya ng ilang mga pasahero.

Kinilala ito na si ‘Macmac’ na sakay ng isang bus ng Precious Grace Transport, isa sa mga operator ng EDSA bus carousel.

Nakaabot kay Transportation Secretary Vince Dizon ang viral video na mariin niyang kinondena dahil sa karahasang nangyari sa loob ng bus.

“May responsibilidad ‘yung bus company, ‘yung driver at ‘yung konduktor dito sa mga ganitong sitwasyon, na pangalagaan ang safety ng lahat ng nakasakay sa kanyang public utility vehicle,” saad ni Sec. Vince Dizon, Department of Transportation (DOTr).

Giit ng kalihim, posibleng ginamitan ng taser o electric shock device si ‘Macmac’ na maririnig umano sa video dahilan kung bakit panay ang pag-iyak at sigaw nito.

Agad na pinatawag ng LTO ang drayber pati ang konduktor upang pagpaliwanagin sa insidente.

Paliwanag umano ng drayber sa LTO.

“Sinasabi nila nangangagat daw ang pasahero tapos sinasabi nila na hindi raw nila alam na itong pasahero sa likod. Sounds hard to believe it will require them to prove more than their statement,” wika ni Asec. Vigor Mendoza II, Chief, LTO.

Gayunpaman, sinuspinde pa rin ng LTO ng 90-araw ang lisensiya ng drayber at kundoktor dahil bigo nilang i-report ito sa security na nasa istasyon ng EDSA carousel at maging sa employer ng kompanya.

“Doon pa lang ay question mark na agad. Bakit, hindi niyo ni-report ang insidente alam niyo na eh,” wika ni Asec. Vigor Mendoza II, Chief, LTO.

Iniimbestigahan na ng ahensiya ang insidenteng ito at pinaghahanap na rin ang mga pasaherong nambugbog sa PWD upang panagutin.

Nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang LTO ukol dito sa susunod na linggo.

LTO: Hepe ng Registration Office ng LTO Baguio City na nahuli matapos nagmanehong lasing, sinibak sa trabaho

Samantala, pinasibak na ni DOTr Sec. Vince Dizon kay LTO Chief Mendoza ang hepe ng LTO Registration Office sa Baguio City.

Ito ay matapos mahuling nagmamaneho habang lasing.

“’Yung pagmamaneho ng lasing hindi lang ‘yan simpleng violation ‘yan ay napaka-delikadong violation. Bakit? Kasi kapag ikaw ay lasing ay madali kang madisgrasya o maka-disgrasya. So, unacceptable ito,” saad ni Sec. Vince Dizon, Department of Transportation.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble