NAWALA na sa Philippine Area of Responsibility ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa labas ng Batangas, at ngayon, tatlong weather systems ang patuloy na nakaaapekto sa bansa. Ito ay ang easterlies, intertropical convergence zone (ITCZ), at localized thunderstorms.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang easterlies, o mga hangin mula sa Karagatang Pasipiko na nagdadala ng mainit at humid o mahalumigmig na panahon, ay nagdudulot ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa silangang bahagi ng bansa.
Kasama sa mga apektadong lugar ang Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Pangasinan, Oriental Mindoro, at Marinduque.
Samantala, ang ITCZ kung saan nagsasalubong ang hangin mula sa northern at southern hemisphere ay nagdudulot din ng kaparehong kondisyon ng panahon at apektado ang mga lugar ng Surigao del Sur, Davao Oriental, Davao Occidental, Sarangani, Sultan Kudarat, at Tawi-Tawi.
Ang natitirang bahagi naman ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Cagayan Valley ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa madilim na kalangitan na may isolated rain showers dulot ng localized thunderstorms.
Sa ngayon, wala namang namo-monitor na bagong LPA na papasok sa Philippine Area of Responsibility, ayon sa PAGASA.