NANANATILING masigasig ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagnanais na makakuha ng multi-role fighter (MRF) jets upang mapalakas ang kakayahan ng bansa sa aerial defense, sa kabila ito ng mga bagong pag-unlad sa pagbili ng karagdagang 12 FA-50 light combat aircraft mula sa South Korea.
Matatandaang nitong nakaraang taon, inihayag ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang layunin ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na kumuha ng multi-role fighter jets, kasunod ng pag-apruba ng punong ehekutibo sa pagbili ng mga bagong air assets.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Philippine Air Force spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo na bagamat magkaiba ang layunin ng FA-50s at MRFs, pareho itong mahalagang bahagi ng pagpapalakas sa kabuuang kakayahan ng PAF.
Binigyang-diin ni Castillo na maliban sa 12 FA-50s, kailangan pa rin ng PAF ng karagdagang fighter aircraft dahil sa lawak ng kanilang responsibilidad sa pagbabantay sa himpapawid.
Ayon sa kaniya, nananatiling aktibo ang plano sa pagkuha ng multi-role fighter jets at isa ito sa mga pangunahing prayoridad ng AFP.
“In spite of these 12 additional FA-50s, we would still need more fighter aircraft because we have a very wide archipelagic area to monitor and protect. So far, there have been no changes regarding the proposal for multi-role jet fighter,” ayon kay Col. Ma. Consuelo Castillo, Spokesperson, PAF.
Dagdag pa rito, sinabi ni Castillo na patuloy pa rin ang layunin ng PAF na makakuha ng multi-role fighter aircraft na may mas mataas na kakayahan kumpara sa mga kasalukuyang bahagi ng kanilang fleet.
“Right now, what we are looking at for multi-role fighters is definitely better capabilities than what we currently have in our inventory. So, we’re looking at longer range, better firepower, among other things. Definitely, the best we can have for the budget available,” wika ni Castillo.
Ang Multi-Role Fighter Aircraft Acquisition Project ng pamahalaan para sa PAF ay bahagi ng Horizon 3 ng Revised AFP Modernization Program.
Noong Mayo 2024, lumagda ang Pilipinas at Sweden ng isang mahalagang kasunduan upang suportahan ang planong pagbili ng MRF aircraft ng Pilipinas.