HINIHIKAYAT ang lahat ng tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na makiisa sa isang candle lighting event na gaganapin ngayong Huwebes, Hunyo 19, 2025.
Batay sa anunsyo ni Davao City First District Representative Pulong Duterte, isasagawa ang candle lighting bandang alas-5:30 ng hapon.
Ang aktibidad ay kasabay ng paggunita sa ika-isandaang araw ng pagkakapiit ni dating Pangulong Duterte sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.
Layon ng candle lighting na ipanawagan ang kanyang kalayaan at agarang pagbabalik sa Pilipinas.
Bukod dito, magsisilbi rin itong sama-samang panalangin para sa kanyang mabuting kalusugan.
Ayon pa sa anunsyo, ang bawat sindi ng kandila ay magiging sagisag ng panawagan para sa katarungan. Higit sa lahat, ang liwanag ng bawat kandila ay magpapaabot ng pagmamahal, panalangin, at walang sawang suporta para kay FPRRD.