NILINAW ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na hindi naman masama ang magbigay ng komento, reaksiyon, at kritisismo sa isang ahensiya o organisasyon kung ito ay nakabatay sa katwiran.
Kasunod ito ng ginawang pag-aresto kay dating QCPD Police Patrolman Francis Steve Fontillas matapos ang mga naging komento at pagbatikos niya sa pamahalaang Marcos Jr. at sa Pambansang Pulisya.
Ayon sa PNP, nilabag ni Fontillas ang Article 142 ng Revised Penal Code o ang inciting to sedition na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act.
Matatandaan na sa kontrobersiyal na vlog ni Fontillas, kinuwestiyon niya ang legalidad at umano’y kawalan ng due process sa paraan ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte hanggang sa ito’y itinapon sa The Hague, Netherlands.
Bagay na umani ng samu’t saring reaksiyon mula sa publiko na ang karamihan ay sumang-ayon sa kaniyang sinabi.
Pero para sa PNP, malinaw na paglabag ito sa kanilang mandato ng institusyon, dahilan upang maharap si Fontillas sa reklamo.
“Parating sinasabi natin, there are many ways to express, nanghihikayat ng karahasan,” wika ni Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
Nauna nang ipinaliwanag ng PNP na bawal sa kanilang hanay ang magpahayag ng saloobin online, lalo na sa isyu ng politika. Bagamat may grievance section sila kung saan maaaring ipaabot ng mga miyembro ang kanilang hinaing sa organisasyon.
Pero para kay Atty. Salvador Panelo, kung sa tingin ng isang pulis ay ilegal na ang ipinag-uutos sa kanila, tulad ng mga nangyari sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte—may karapatan silang arestuhin mismo ang opisyal na nag-utos nito.
“’Pag inutusan kayo ng ilegal, hulihin niyo ipatupad niyo ang batas kahit na sino pa ang involved,” aniya.
Ang warrant laban kay Fontillas ay inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 224, kung saan itinakda ang piyansa sa halagang P36K.