Nottingham Barrio Fiesta 2025, pinuno ng kulay, musika, at pagkakaisa

Nottingham Barrio Fiesta 2025, pinuno ng kulay, musika, at pagkakaisa

SA gitna ng magandang panahon at masayang tugtugan, isinagawa ng Nottingham Filipino Community (NFC) ang Nottingham Barrio Fiesta 2025 noong Hunyo 28–29 sa Melbourne Park, Nottingham.

Hindi lang mga kababayang mula sa Midlands ang dumagsa—maging ang mga lokal na Briton ay nakiisa sa dalawang araw ng halakhakan, sayawan, at tikiman ng pagkaing Pinoy. Sa bawat tawa at palakpak, dama ang pusong Pilipino saanmang dako ng mundo.

Ang entablado ay umapaw sa talento mula sa mga lokal na artist. Samantala, ang mga food at merchandise stalls ay tila makulay na talyer ng tradisyon—may adobo, halo-halo, at samalamig—lahat ng nagpaparamdam ng lasa ng Pilipinas.

Isa sa mga dumalo, si Alex Norris, MP ng Nottingham North and Kimberley, ay nagpahayag ng kaniyang paghanga sa kultura ng mga Pilipino:

“I think this is one of the best events that happen yearly here in Nottingham. If you look around, people come from all over the country. There’s good food, there’s good music, there’s good culture, there’s parades. I’m delighted to be out and about with people today,” pahayag ni Alex Norris (MP, Nottingham & Camberley).

Hindi rin matatawaran ang dedikasyon ng mga volunteer-organizers gaya ni Joy Hartley:

“We’re absolutely excited as you can see in the background. There’s loads and loads of people here today as usual, and next year we will have the same Barrio Fiesta at the end of June. But guess what guys, it’s an extreme pleasure to do it all the time. We’re all volunteers. No one’s getting paid to do the job but we love it because it is for the community,” wika ni Joy Hartley, NFC Representative, Nottingham Barrio Fiesta 2025.

Hindi rin nagpahuli ang mga bituin ng gabi—mula sa entablado hanggang sa selfie stations. Mainit na tinanggap ng mga kababayan sina recording artist Jiro Custodio at Vivamax stars Robi Guinto at Angeli Khang.

“Sobrang natutuwa po kami sa mga kapwa Pilipino na sumusuporta sa kapwa Pilipino. Sobrang nag-enjoy po kami dito sa Nottingham. Ramdam na ramdam namin yung ‘welcomeness,’ yung warmth at pagkakaisa nating mga Pilipino. Sobrang saya. Salamat po sa lahat ng nagpunta. Thank you po!” saad ni Robi Guinto & Angeli Khang.

Mas lumutang ang kasiyahan sa Day 1 sa pamamagitan ng mga performances at ng inaabangang Ms. Nottingham 2025. Samantala, sa Day 2, isang makulay na prusisyon ang umikot sa parke, sinundan ng sayawan, parlor games, raffle draws, at iba’t ibang sorpresa.

Maging ang mga lokal na negosyante ay tumulong magbigay ng serbisyo, produkto, at job opportunities, nagpapalakas sa diwa ng bayanihan at kabuhayan.

Ibinahagi rin ng ilang bisita ang kanilang joy overload sa fiesta:

“We love Nottingham Barrio Fiesta!” ayon kay Nurse Alvin & Friends, Filipino Influencer based in UK.

At gaya ng sinabi nila—“See you next year!” Dahil sa susunod na Hunyo, muling magsasama-sama ang mga puso ng bawat Pilipino saan mang panig ng mundo.

Patunay ang Nottingham Barrio Fiesta na saan mang panig ng mundo, buhay na buhay ang diwa ng pagka-Pilipino. At habang lumalawak ang komunidad, lalong lumalalim ang ugnayan nating mga kababayan sa iisang kultura at pagmamalasakit.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter