KINUMPIRMA ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na naisumite na niya ang kaniyang aplikasyon sa Judicial and Bar Council (JBC) para sa posisyon ng Ombudsman.
Ayon kay Remulla, personal niyang naihain ang aplikasyon kahapon, Huwebes, Hulyo 3.
Matatandaang una nang nagpahayag ang kalihim ng interes sa naturang puwesto, sa paniniwalang marami pa siyang maiaambag sa serbisyo publiko.
Dagdag ni Remulla, naiparating na rin niya sa Malacañang ang kaniyang intensiyon na maging susunod na Ombudsman.
Tiwala rin ang kalihim na hindi makaaapekto sa kaniyang aplikasyon ang nakabinbing reklamo laban sa kaniya ni Sen. Imee Marcos, kaugnay ng umano’y ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at pagpapadala nito sa Netherlands.
Samantala, ang JBC ang siyang magsusumite ng shortlist ng mga kwalipikadong kandidato sa Pangulo, na may kapangyarihang pumili ng susunod na Ombudsman.
Nakatakdang magretiro sa buwang ito si Ombudsman Samuel Martires.