BALIK na sa 30% to 50% ang kapasidad na papayagan sa dine-in services sa mga restaurants, cafes at iba pa matapos isinailalim ang NCR sa Alert Level 3.
Pero ayon sa Department of Trade and Industry na hindi magkakaroon ng malaking epekto sa negosyo ang pagtaas ng Alert level sa Metro Manila.
Paliwanag ni Sec. Ramon Lopez na pinapayagan ang operasyon ng halos lahat ng mga business establishments sa ilalim ng Alert Level 3 kaya wala itong epekto sa negosyo.
“At I think itong maganda sa alert level system natin ngayon, it allows all businesses to continue to operate ‘no, maliban lang doon sa ini-exclude natin na binanggit ninyo kanina ‘no na iilan lamang iyon. Iyong mga sa funfair, peryas, gaming establishments at mga indoor entertainment – karaoke bars. So, kaunti lang itong mga nabawas or naisara uli na sectors. But practically all the other MSMEs and service-oriented businesses including the gyms, the cinemas, etc., ay allowed pa rin naman sila ngayon, of course, lower operating capacity. So, dahil diyan, masabi natin na hindi po ganoon kalaki ang impact nito,” paliwanag ni Lopez.
Dagdag ni Lopez na tinatayang nasa P200 milyon habang 100,000 hanggang 200,000 trabaho ang mawawala sa Pilipinas matapos muling isailalim sa Alert Level 3 ang NCR.
Gayunman, oobserbahan pa aniya ang mga numerong ito sa loob ng dalawang linggo na pagsasailalim sa Metro Manila sa Alert Level 3.
Pagbibigay insentibo sa mga bakunado, suportado ng DTI
Samantala, suportado naman ng DTI ang paglimita sa mga galaw ng hindi bakunado at bigyan ng incentives ang mga bakunado na laban sa COVID.
“At i-limit natin sa essential activities muna ang galaw ng mga unvaccinated at bigyan natin ng privilege na lang iyong vaccinated, again, maiwasan iyong unvaccinated, sila po ang tatamaan ng Omicron,” ani Lopez.
Giit naman ni Lopez na mahalaga din na marebyu ang protocols sa pagpapalabas ng mga menor de edad lalo na kung bakunado.
Aniya na malaking tulong din ito sa paggulong ng ekonomiya kapag payagang lumabas ang mga bata na bakunado na laban sa virus.
Sa ilalim ng Alert Level 3, ipinagbabawal ang contact sports, fun fares kagaya ng mga perya, casino at gaming establishments at pagtitipon na hindi nagmula sa iisang bahay.