ARESTADO ang dalawang lalake na nahulihan ng baril sa unang araw ng pagpapatupad ng nationwide gun ban ng Commission on Election (COMELEC) para sa nalalapit na May 2022 elections.
Umabot sa dalawa ang naaresto sa PNP-AFP-Comelec checkpoints, ilang oras matapos ipatupad ang gunban bilang marka ng simula ng election period sa bansa.
Ayon sa National Capital Region Police Office naitala ang unang insidente sa Navotas kung saan ay hiningian ang isang indibidwal ng mga dokumento at ID.
Matapos na nalaglag mula sa shorts ng suspek ang isang kalibre 38 na baril.
Samantala, sa Caloocan nasita naman ang isang motorsita dahil sa hindi nito pagsusuot ng helmet.
Bukod dito, natuklasan din ang suspek na may dala itong baril na nagresulta sa pagkakaaresto nito.
Napag-alaman rin na walang kinauukulang dokumento ang nasabing motorista para sa baril nito.
Nakikiusap naman si NCRPO Chief Police Major General Vicente Danao Jr sa publiko sa inaasahang mas mahigpit na checkpoint upang maiwasan na makalusot ang problema sa kriminalidad, iligal na droga at insurhensiya.
“Makakaranas ang ating mga kababayan ng pinaigting na police visibility at mga checkpoints para sa kaligtasan ng lahat. Kaunting pag unawa po ang aming hinihingi at kooperasyon mula sa inyo. Gayundin asahan ninyo ang mga patrol operations upang mapigilan ang anumang banta ng kriminalidad, illegal na droga at insurhensiya sa ating rehiyon,” pahayag ni Danao.
Ilan sa mga binabantayan ng mga otoridad ngyong panahon ng halalan ang usapin ng loose firearms, deadly weapons, unauthorized security personnel, Private Armed Groups (PAGs), mga wanted na indibidwal.
Hakbang ito upang matiyak na magkakaroon ng maayos at mapayapang pagdaraos ng 2022 national elections.