Liquor, gun ban para sa 2022 elections itinakda na ng Comelec

NAGLABAS na ang Comission on Elections (COMELEC) ng guidelines para sa ipatutupad na gun at liquor ban sa halalan ng susunod na taon.

Sa Resolution No. 10746 ng Comelec, nakasaad dito na mula May 8 hanggang sa araw ng eleksyon, May 9, 2022, epektibo ang liquor ban.

Ang mga foreign tourist lamang na nasa mga hotel, restaurant at iba pang katulad na establisyemento na “duly certified” ng Department of Tourism (DOT) ang exempted sa naturang ban.

Ngunit dapat makapag-secure muna sila at ang mga establisyemento ng written authority mula sa mga sumusunod:

*Regional Election Director ng Metro Manila – kung nasa National Capital Region ang kanilang lokasyon,

*Provincial Election Supervisor – kung matatagpuan sa mga munisipalidad sa loob ng kani-kanilang mga lalawigan ang establisyimento;

*City Election Officer – kung nasa loob ng kani-kanilang mga lungsod o distrito ang establisyimento

Ang mga lalabag sa liquor ban ay maaaaring maharap sa pagkakulong ng hanggang anim na taon, hindi pabobotohin, at magdurusa ng diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong katungkulan.

Para naman sa gun ban, ipinaguutos ng Resolution No. 10741 ng Comelec ang pagtatag ng mga checkpoint sa lahat ng lungsod at munisipalidad dahil ipinagbabawal nito ang pagdadala at pagbibiyahe ng mga baril at iba pang mga nakamamatay na armas.

Ang bawat checkpoint ay dapat may maliwanag na ilaw, mabilis matukoy at binabantayan ng uniformed personnel.

Dapat din silang may mga signboard na three feet by four feet (3’x4′) para makilala ng mga motorista ang lugar at mga warning sign.

Walang sinuman, ayon sa Comelec, ang isasailalim sa anumang pisikal o body search nang walang makatwirang batayan. Wala ring obligadong buksan ang kanilang glove compartment, trunks, at bag.

Ang mga searching personne ay dapat nakasuot ng kanilang personal protective equipment (PPE), at dapat sumunod sa minimum public health standards sa lahat ng oras.

Malinaw din na itinakda ng resolusyon na kung sinuman ang hindi papansin sa checkpoint, ang commanding officer o team leader ay dapat agad na mag-report sa mga katabing team o police station para sa tamang aksyon. Kung ang isa ay makumpirmang lumabag sa gun ban, ang standard operating procedures ng Phi

lippine National Police ay dapat ipatupad.

Pinagbabawaan naman ang lahat ng mga tauhan na namamahala sa mga checkpoint na manghingi o mangingikil ng pera at tumanggap ng mga boluntaryong alok ng pera at mga regalo mula sa publiko.

Magsisimula ang gun ban at pagsasagawa ng checkpoints sa buong bansa sa January 9 hanggang June 8, 2022.

Ang mga regular na opisyal, miyembro at ahente ng ilang ahensya ay papayagang magdala ng baril sa panahon ng halalan.

Simula naman March 25 hanggang May 8, 2022, walang opisyal o empleyado ng gobyerno, kabilang ang mga nasa antas ng barangay, at mga korporasyong pagmamay-ari o kontrolado ng estado, ang dapat maglabas, mag-disburse, o gumastos ng pampublikong pondo para sa lahat ng uri ng pampublikong gawain, base sa Resolution No. 10747 ng Comelec.

Ngunit exempted dito ang mga umiiral o natapos na na mga proyekto, mga gawaing isinagawa sa pamamagitan ng kontrata sa pamamagitan ng public bidding o awarding bago ang March 25, mga proyektong pang-emergency kasunod ng mga kalamidad, mga gawaing patubig, Public-Private Partnership (PPP) at Build-Operate -Transfer (BOT) na mga proyekto.

Sa parehong panahon rin, ang lahat ng pambansa at lokal na tanggapan ng pamahalaan, ahensya, at instrumentalidad ay hindi papayagang mag-hire o kumuha ng sinumang bagong empleyado, at lumikha at punan ang anumang posisyon. Ipinagbabawal din ang pagtaas ng sweldo, paglilipat ng civil service employees, at suspension ng elective local officials, ayon sa nakasaad sa Resolution 10742.

Maaaring ma-access ang buong resolusyon ng Comelec dito.

SMNI NEWS