Branded handguns, isinuko ng mga inmates sa Bilibid

Branded handguns, isinuko ng mga inmates sa Bilibid

IBA’T IBANG uri ng mga mamahaling armas o handguns ang inilabas ngayong araw ng Bureau of Corrections (BuCor) sa loob ng Maximum Security o MaxSeCom Compound sa Bilibid.

Mula sa mga mamahaling handguns galing sa iba’t ibang pangkat hanggang sa improvised firearms at di mabilang na mga patalim ang nasamsam ng BuCor mula sa mga inmates sa loob ng piitan.

Ito’y matapos magkaroon ng malawakang demolisyon sa buong MaxSeCom na may kabuuang sampung ektarya at may daming 18,000 inmates.

May kondisyon pa rin ang mga nakuhang baril kahit ito ay kinakalawang na dahil sa pagkabaon sa matagal na panahon sa ilalim ng lupa.

Malaking epekto naman ang ginawang pagwasak ng mga kubol ng mga inmates dahil wala nang lugar na mapagtataguan pa ng mga kontrabando ang mga ito.

Pinangunahan ni Director General Gerald Bantag  ang pagwasak sa natitirang kubol sa MaxSeCom Quadrant 2 gamit ang isang backhoe.

Ayon kay Asec. Gabriel Chaclag, spokesperson ng BuCor, humigit kumulang 500 daang kubol ang tinanggal sa loob ng MaxSeCom na pinagkakakitaan ng mga inmates.

Aniya, naglalaro sa P20,000 hanggang P250,000 ang halaga ng kubol na ibinibenta sa loob ng naturang piitan.

Isa lamang ito sa nangyaring pagbabago sa Bilibid sa pamumuno ni General Bantag dahil ngayong araw ay ubos na ang mga kubol sa MaxSeCom na magpapakita ng pagkapantay pantay ng mga inmates.

Hindi ito basta basta dahil parang bayan na nga kung maituturing ang MaxSeCom, parang isang barangay ng squatters area dahil may sukat na 10 ektarya na may 18,000 inmates ang nasa loob nito.

Follow SMNI News on Twitter