NAGDEPLOY ng mga tauhan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga alternatibong ruta upang magmando ng trapiko kasunod ng pagsasara ng EDSA-Kamuning Flyover (Southbound) nitong Sabado, Hunyo 25.
Dahil dito, 60% ang nabawas sa mga motoristang maaaring dumaan sa service road kasunod ng pagsasara ng naturang flyover para sa repair works.
Ayon sa pamunuan ng MMDA, mula sa 5 linya ng kalsada, 2 lanes na lamang ang magagamit ng mga motorista.
At upang maging maayos ang daloy ng trapiko sa mga alternatibong ruta, nagdeploy ang MMDA ng mga tauhan.
Sinabi pa ni MMDA Chairman Romando Artes na patuloy ang kanilang isinasagawang clearing operations sa mga iligal na nakaparada sa mga alternatibong ruta.
Dagdag pa ni Artes, apat na pasukan ang maaaring daanan papunta sa mga alternatibong daan kabilang na ang Mother Ignacia, Panay Avenue, Scout Borromeo at Scout Albano.
Pinapadaan na rin nila ang mga nagbibisikleta at mga nagmomotor sa mga alternate routes dahil medyo delikado ayon kay Artes kung dadaan pa sila sa service road ng EDSA-Kamuning Flyover.
Susubukan naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na mapabilis ang pagkukumpuni ng nasabing tulay.
Ito ay kung magiging maganda ang panahon sa mga susunod na araw.