DAGSA na ang mga taga-suporta at mga nais manood sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Intramuros Golf Course ngayong umaga.
Mahigpit naman na ipinatutupad ang security protocols papasok sa nasabing venue.
Alas-6 pa lang ng umaga ay nagsisidatingan na ang mga nais manood ng inagurasyon ni President-elect BBM sa nasabing lugar.
Maaari lamang pumasok sa Intramuros Golf Course mula 6:00AM–9:00AM.
Pagpatak ng alas-9 ay isasara na ito sa publiko.
Dumadaan muna ang lahat sa mahigpit na security protocols kung saan masusing iniinspeksyon ng mga pulis ang mga dala ng mga tao.
Ipinagbabawal kasi sa loob ang backpacks, non-transparent water containers, matatalim na bagay gaya ng kutsilyo at blade, alak, sigarilyo, at iba pang bagay na maaaring sumabog at drones.
Kung hindi nila maiiwasan ang hindi pagdadala ng anumang bag, sa halip ay magdala sila ng mga transparent na backpack at maging ang mga transparent na lalagyan ng tubig.
Dalawang LED screens ang itinayo sa loob ng venue sa harap ng National Museum.
Inaasahang nasa humigit-kumulang 25,000–30,000 katao ang maaring pumasok sa Intramuros Golf Course.
BASAHIN: National Museum, handa na para sa inagurasyon ni President-elect Bongbong Marcos