INATASAN ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng precinct at station commanders at chief of police na regular na i-update ang crime mapping sa kani-kanilang areas of responsibility (AORs).
Ito ay upang makabuo ng pinakamahusay na estratehiya para mapababa ang insidente ng krimen sa bansa.
Kasunod na rin ito ng bilin ni Interior Secretary Benhur Abalos kay PNP OIC Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. na gawing ligtas ang mga lansangan para sa publiko at para makahikayat ng mas maraming mamumuhunan at dayuhang turista.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP director for operations Police Major General Valeriano de Leon na dapat malaman ng bawat police commander ang peace and order situation sa bawat kalye at komunidad sa kanilang nasasakupan.
Habang abala aniya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang kanyang economic team sa pagpabubuti ng buhay ng mga mamamayang Pilipino, kailangang gawin ng pulisya ang kanilang mandato sa publiko.