Hiling ng ICC kaugnay sa war on drugs ng Duterte admin, sinopla ni Justice Secretary Remulla

Hiling ng ICC kaugnay sa war on drugs ng Duterte admin, sinopla ni Justice Secretary Remulla

SINOPLA ni Justice Secretary Boying Remulla ang hiling ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration.

Hindi na miyembro ang Pilipinas sa International Criminal Court.

Ito ang simpleng sagot ni Justice Secretary Boying Remulla matapos pinagsusumite ng ICC ang Pilipinas ng pormal nitong pahayag hinggil sa drug war ng Duterte administration.

Matatandaan na hiniling ni Prosecutor Karim Khan na pahintulutan na ang ICC na ipagpatuloy ang kanilang imbestigasyon hinggil sa umano’y extrajudicial killings ng drug-war campaign sa ilalim ng Duterte admin.

Ito’y dahil sa umano’y bigong maipakita ng Pilipinas ang sariling resulta sa imbestigasyon dito.

Sa isang order na inilabas noong July 14 ng ICC Pre-Trial Chamber I, binigyan ng hanggang September 8, 2022 na palugit ang pamahalaan upang makapagsumite ng pormal nitong pahayag sa gagawing imbestigasyon.

Sinabi pa ni Remulla na walang papel ang ICC para punahin ang sistema ng bansa sa pagpatutupad ng batas.

Ang mahalaga rin aniya sa ngayon ay dapat palakasin at paandarin nang maayos ang sariling judicial system.

Follow SMNI NEWS in Twitter