MARIING kinokondena ng Department of Education (DepEd) ang ginawang seksuwal na pang-aabuso sa apat na elementary school teachers mula sa Ocampo, Camarines Sur na naghahanda para sa darating na pasukan.
Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na inatasan na nila ang kinauukulang field office na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang matulungan ang mga ito sa imbestigasyon.
Magbibigay rin ang ahensya ng kinakailangang tulong sa mga biktima, kabilang ang tulong pinansiyal at psychosocial intervention.
Umaasa naman ang DepEd na magsasagawa ng mabilis na imbestigasyon ang local authorities sa Camarines Sur at bigyan ng hustisya ang pamilya ng mga biktima.
Nanawagan din ang kagawaran sa kanilang mga katuwang na ahensiya lalo na ang PNP na protektahan ang kapakanan ng mga guro, mag-aaral, at magulang sa loob at labas ng mga paaralan.
Bukod pa rito, kasalukuyang binubuo ng DepEd ang isang joint memorandum circular kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG) at ang Department of Budget and Management (DBM) upang bigyang-diin ang paggamit ng Special Education Fund (SEF) upang kumuha ng hindi bababa sa isang security personnel sa bawat paaralan at para sa pagkukumpuni at pagtatayo ng mga school buildings.
Iginiit ng DepEd na patuloy ang kanilang pagsisikap na gawing ligtas na lugar ang mga paaralan para sa mga magulang at mga guro.