Bilang ng dayuhang bumisita sa Japan noong Hulyo, lumagpas sa 100,000 katao

Bilang ng dayuhang bumisita sa Japan noong Hulyo, lumagpas sa 100,000 katao

UMABOT na sa 100,000 ang bilang ng mga dayuhang bumibisita sa Japan noong Hulyo para sa ika-apat na magkakasunod na buwan.

Kasunod ito ng pagpapaluwag ng mga restriksyon sa Coronavirus.

Ayon sa Japan National Tourism Organization, ang mga foreign arrival na may kabuuang bilang na 144,500 noong nakaraang buwan, ay mas mataas ng higit sa 2 beses kumpara noong Hulyo ng nakaraang taon, ngunit ito ay kumakatawan sa higit 95 porsiyentong pagbagsak mula sa parehong buwan sa pre-pandemic na taon ng 2019.

Habang muling binuksan ng Japan ang bansa nito sa small-scale tours noong Hunyo, ang bilang ng mga dayuhang turista ay nananatiling mababa ng sumunod na buwan.

Pinaniniwalaan naman na ang mga restriksyon sa bansa tulad ng pagkuha ng negatibong resulta sa test ng COVID-19 at visa, ay bahagi ng mga dahilan para sa mababang bilang ng mga turista.

Samantala, ang pinakamalaking bilang ng mga dayuhang dumating sa Japan noong Hulyo ay mula sa Vietnam na may kabuuang bilang na 22,700, sinundan naman ito ng South Korea na may bilang na 20,400, at China na may 14,800, na maaaring dumating bilang mga negosyante, technical intern o international student.

Samantala, ang bilang ng mga Japanese na nagpunta sa ibang bansa noong Hulyo ay mahigit 277,900, na mas mataas ng higit 6 na beses kumpara sa parehong buwan noong 2021.

Follow SMNI NEWS in Twitter