HINDI maganda ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Pilipinas ayon kay Pastor Apollo C. Quiboloy sa programa nitong Spotlight.
Ani Pastor Apollo, pati bata ay kayang-kayang matuto na magsugal sa pamamagitan nito kaya para sa butihing Pastor, tama lang ang ginawa ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipasara ito noon.
“Para sa’kin, hindi maganda itong POGO na ‘to dito sa’tin pati bata matuturuan mong magsugal. Kaya tama yung ginawa ni President Duterte noon na ipasara,” pahayag ni Pastor Apollo.
Dagdag pa ni Pastor Apollo, nakasisira lamang ang POGO sa moralidad ng kabataan dahil kapareho rin ito ng online sabong.
“Tama ito dapat ipasara ‘to kasi nakakasira sa moralidad ng kabataan. Pati bata pwede magtaya eh. Pareho din ito ng online sabong,” ayon sa butihing Pastor.
Ani Pastor Apollo, magiging materialistic ang bansa kung ang pagbabasehan ng kahalagahan ng POGO ay ang kikitain mula dito at hindi ang moral na dapat matutunan ng mga Pilipino.
Isa rin sa ikinababahala ng butihing Pastor ay ang long-term effect nito sa moralidad ng pamayanan.
“Kung consideration mo pera lang, magiging materialistic ang bansang ito dahil sa ganun. Tapos isasantabi mo na lang ang lahat ng moral na dapat na matutunan ng pamayanan tulad nitong pagsusugal pati bata pwedeng tumaya. What is the long-term effect in the morality and the moral fabric of the society na yung bata maliit pa nakakapagsugal na. Eh yung sugal alam ninyo napakasama nun. ‘Pag naadik ka sa sugal na ‘yan pati kaluluwa mo, itataya mo,” aniya pa.
Samantala, kaugnay naman sa isyu ng umano’y pag-blacklist ng China sa Pilipinas, nanindigan si Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi siya na-‘misinform’ at sa tingin ng Senate President, ang dapat na sinabi ng Chinese Embassy ay ‘clarification’ hindi ‘misinformation’ dahil parang lumalabas umano na marites ito at nagpapalaganap ng fake news.
“I think it should have just been a clarification. Kasi clarification would mean clarify what the ambassador has said. But misinformation, lumalabas na para akong Marites na nagbibigay ng maling information or tinatawag na fake news. Eh di naman fake news ‘yun eh daming nakakinig sa kanya,” paglilinaw ni Zubiri.
Nilinaw ni Chinese Ambassador to Philippines Huang Xilian na ‘misinformation’ lamang ang umano’y blacklist status ng bansa sa China.
“The report of ‘tourist blacklist’ is misinformation. China has not placed the Philippines on its blacklist for tourism,” pagdidiin ni Huang.
Samantala, kaugnay sa pagsasara ng POGO establishments, nauna nang sinabi ni Chinese Ambassador Huang na makikipag-ugnayan ito sa Pilipinas para sa repatriation ng mga Tsinong manggagawa.
“Appreciative for that and always ready to protect the legitimate rights and interests of Chinese citizens overseas in accordance with the law, the Chinese Embassy will work with the Philippine side on matters such as repatriation in a constructive manner,” ayon kay Huang.
Mababatid na ang POGO ay isang online gambling na mahigpit na ipinagbabawal sa bansang China.