IPINAABOT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang pulong ang hangaring paigtingin ang pagtutulungan ng Pilipinas at Japan.
Partikular dito ang pagpapatibay ng seguridad ng bansa at pagtatayo ng matatag na imprastraktura sa panahon ng sakuna.
Umaasa si Pangulong Marcos na makabuo ng mas malakas na pakikipagtulungan ang Pilipinas sa Japan.
Ginawa ng Punong-Ehekutibo ang naturang pahayag sa naging courtesy call sa Palasyo ng Malakanyang ni Dr. Mori Masafumi, ang Special Advisor to Japanese Prime Minister Fumio Kishida nitong Huwebes.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na nais nitong palakasin ang partnership sa Japanese government sa iba’t ibang larangan ng mutual interest.
Ito ay gaya na lamang sa usapin ng climate change, maritime security, isyu ng West Philippine Sea, agriculture at food security, maging sa infrastructure development.
Saad pa ni Pangulong Marcos, ang Japan ay mananatiling solido at matatag na katuwang ng Pilipinas sa iba’t ibang usapin.
Ibinahagi naman ni Masafumi sa naging mensahe aniya ni Prime Minister Kishida, na patuloy ang matibay na commitment at tiwala ng Japan kay Pangulong Marcos at sa administrasyon nito.
Kasabay nito ang nagpapatuloy rin na mutual high-level engagements at bilateral platforms ng Pilipinas at Japan sa hangarin na mas mapahusay ang strategic partnership ng dalawang bansa.
Muli naman binanggit ng Special Advisor ang imbitasyon ng Japanese government kay Pangulong Marcos para sa isang state visit.
Mababatid na nasa Pilipinas si Masafumi para dumalo sa 13th High-Level Joint Committee Meeting on Infrastructure Development and Economic Cooperation.
Inaasahan din ng Japan ang pagpapatuloy ng pakikipag-ugnayan nito sa gobyerno ng Pilipinas sa iba’t ibang larangan, partikular sa pagpapaunlad ng imprastraktura.