SINITA ni Negros Oriental Rep. Arnie Teves ang nakatakdang joint venture ng ABS-CBN Corp. at Prime Media Holdings Inc. ni House Speaker Martin Romualdez.
Banat ito ni Teves matapos tawaging ‘disorderly conduct’ bilang kongresista ang patuloy niyang pagsuway sa utos na umuwi ng bansa at harapin ang pagkakadawit sa Degamo slay case.
Para kay Teves, may ‘disorderly conduct’ pa kung maituturing ang ABS-CBN-Prime Media deal dahil sa trabaho ng kongreso ang mag-aapruba ng legislative franchise.
Lalo na’t kasama sa deal ang kumpanyang hawak ng lider ng Kamara.
‘’Tingin ko mas disorderly conduct pa yung ano eh… Yung kumuha ka ng kontrata, partner mo yung isang TV station. Ang nag-aapprove ng prangkisa ay kongreso eh kasama ka doon sa negosyo, yung mas klaro na disorderly conduct,’’ ani Teves.
Diin din ng kongresista na may isyu ‘conflict of interest’ sa deal.
‘’Ewan ko kung tama ako or mali hindi naman ako abogado pero makipag-transaksyon ka, sumali ka sa kumpanya na ang nag-aapprove ng prangkisa ay ang kongreso. Diba? Parang ano yan eh, sa akin ano yun conflict of interest,’’ saad ng mambabatas.