Administrasyon ni Cory Aquino, diktadorya matapos ipagbili ang mga ari-arian ng Pilipinas –Enrile

Administrasyon ni Cory Aquino, diktadorya matapos ipagbili ang mga ari-arian ng Pilipinas –Enrile

KINONTRA ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang paglalarawan sa administrasyon ni dating pangulong Ferdinand Edralin Marcos na diktadorya.

Sa kanyang programa sa Sonshine Radio, sinabi ni Enrile na ang pamamahala ni dating Pangulong Marcos sa bansa ay naaayon sa Saligang Batas kaya hindi ito maituturing na diktadorya.

Tahasan ring sinabi ni Enrile na hindi si Marcos ang diktador kundi ang administrasyon ng pumalit nito na si dating Pangulong Cory Aquino dahil sa ginawa nitong revolutionary constitution.

Ani Enrile, sa ilalim ng revolutionary constitution, naipagbili ng Cory administration ang maraming ari-arian ng Pilipinas.

Hinamon din ni Enrile ang mga kritiko ni Marcos na ihayag ang mga ginawa ni Marcos na hindi nakasaad sa Saligang Batas.

Matatandaan na nagsilbi bilang Minister of Defense si Enrile sa ilalim ng Marcos Administration.

Para naman sa mga nagsasabing libo-libo ang naging biktima ng Marcos administration dahil sa ipinatutupad na Martial law, hinamon din ni Enrile ang mga ito  sa listahan ng mga sinasabing biktima.

Kaugnay rin nito, kinuwestiyon din ni Enrile ang mga komunistang terorista kung ano ang ipinaglalaban ng mga ito sa patuloy na pagkontra sa pamahalaan at pagpatay sa mga militar, pulis at sibilyan, at kung anong uri ng gobyerno ang nais nilang itayo sa kanilang layuning pabagsakin ang kasalukuyang gobyerno ng Pilipinas.

 

Follow SMNI News on Twitter