Advocacy group, umalma sa resolusyon ng MMC na ipagbawal ang e-vehicles sa national roads sa NCR

Advocacy group, umalma sa resolusyon ng MMC na ipagbawal ang e-vehicles sa national roads sa NCR

UMALMA ang isang advocacy group sa plano ng pamahalaan na pagbawalan na ang mga e-vehicle ng mga national road sa Metro Manila.

Isang public consultation ang isinagawa ng Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasama ang iba’t ibang stakeholders at transport groups, araw ng Huwebes, Pebrero 29, 2024.

Ito ay may kaugnayan sa inilabas na resolusyon ng Metro Manila Council (MMC) na pagbawalan nang dumaan ang mga e-vehicle at e-strike sa mga national road na nasa hurisdiksiyon ng MMDA.

Pero, pinalagan ito ng Move As One Coalition dahil dapat pa umano itong pag-aralan ng mabuti ng pamahalaan.

Sinabi ni Robert Sy, presidente ng grupo, mas maganda ang paggamit ng e-vehicle kung ikukumpara sa mga kotse.

“I think, it’s like relatively narrow-thinking, kasi what will be happen if we ban ‘yung electric 2 wheelers and 3 wheelers na it will send a message na dapat mag kotse na lang kayo and will happen is more people instead of buying electric 2 or 3 wheelers which are more efficient, zero emission and less demanding in terms of road space private car which will cause more traffic. This is a recipe of making traffic worst for all of us dapat we need to think carefully,” pahayag ni Robert Sy, President, Move As One Coalition.

Ang pahayag na ito ng Move As One Coalition ay hindi pinaboran ng malalaking transport groups.

Anila, mahalagang maialis ang mga e-vehicle sa national roads dahil bukod na sagabal sa daan, ito ay hindi rin rehistrado at walang lisensiya.

“Walang passenger insurance. As public transport leader, iniintindi natin ‘yung mga magkakaroon ng problema, ang pasahero, ‘yung kanilang sakuna, aksidente may insurance ba ito? Wala, wala ring ruta at bumabiyahe pa ang e-strike doon sa mga ruta namin ng jeep na talo pa kami,” giit naman ni Obet Martin, presidente ng isang transport group na Pasang Masda.

Aabot umano kasi sa 40% ang nawawalang kita ng mga pampasaherong dyip dahil sinasapawan ng mga pampasaherong e-vehicle o e-strike.

Kaya panawagan ng mga transport group na ipagbawal din ang mga ito hindi lamang sa national road, kung hindi maging sa secondary road.

“Kung titingnan niyo sa Marcos Highway, puro electric bike na namamasada parang ang ginagawa nila, nagpi-pick and drop na parang jeepney na,” saad naman ni Boy Vargas, Presidente, ALTODAP.

Paglilinaw naman ng MMDA na ang layunin lamang ng naturang resolusyon ay upang mapigilan ang bilang ng mga insidente na kinasangkutan ng e-vehicles.

Sa tala ng MMDA nitong 2023, higit 500 e-vehicles ang sangkot sa mga aksidente sa kalsada na bagay na ikinaaalarma ng ahensiya.

“Ayaw na nating palakihin pa ang volume ng road crash incident at fatalities. In 2022, dalawa na po ang namatay dito kapag dumami pa ang insidente at marami pa ang namatay ang sisisihin ang gobyerno kasi we are not doing anything to regulate this type of vehicles,” paliwanag ni Atty. Victor Nuñez, Traffic Disciple Office Director for Enforcement, MMDA.

Sa binuong resolusyon ng MMC, kabilang sa mga kalsadang ito ang Recto Avenue, Pres. Aquino Avenue, Araneta Avenue, EDSA, Katipunan o C.P. Garcia, Southeast Metro Manila Expressway, at iba pa.

LTO, bababaan pa ang registration fees ng mga irerehistrong e-vehicles

Sa kabila nito, pinaplantsa ng LTO ang rekomendasyon ng isang kongresista na mas ibaba ang fees nito kaysa sa rehistro ng motorsiklo.

“We will recommend to this Secretary and precisely the Sec. Bautista required us na mabuti na magpublic consultation, true enough para makita ang different point of view ng electric vehicles,” ani Asec. Vigor Mendoza, Chief, LTO.

“Any fees kasi dapat may approval ng Department of Finance kasi makakaapekto po sa collection ng ating gobyerno,” dagdag pa nito.

Sa ngayon, hindi pa masabi ng LTO Chief kung kelan maisasapubliko ang guidelines ng naturang resolusyon.

Nilinaw rin nito na maaari pa ring dumaan sa bike lanes ang mga e-bike at hindi na rin kailangang irehistro ang mga e-vehicle na ginagamit lamang sa loob ng isang pribadong lugar tulad ng mga subdivision.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble