NAIS ngayon ng Senado at Kamara na amyendahan ang Republic Act 11709 na nagtatakda ng 3-year fixed term sa mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nais ng batas na maputol ang revolving door policy sa liderato ng AFP o ang pagtatapos agad sa termino ng mga opisyal.
Partikular sa mga tinamaan nito ay ang mga may posisyon na AFP Chief of Staff, Vice Chief of Staff, Deputy Chief of Staff at commander’s ng major services ng AFP.
Pero kamakailan, may mga umugong na isyu sa implementasyon ng batas.
Maging ang bagong Defense Chief na si Carlito Galvez, aminado na wala sa timing ang bagong batas.
Saad ni Galvez, nagdudulot ang batas ng ‘stagnation’ sa promosyon ng mga opisyal.
At ang dulot nito ay demoralization sa hanay ng AFP.
“If the area commander is given a three-year term, there will be stagnation. The organization of the Armed Forces is very dynamic. If there is stagnation in the promotion cycle in the armed forces, there is demoralization,” ayon kay Sec. Carlito Galvez, Department of National Defense.
Kaya ngayon na pinaamyendahan ang batas, mungkahi ni dating AFP Chief of Staff, Pong Biazon na tanging sa pinuno ng AFP lamang ipatupad ang fixed term.
“Kagaya ng aking posisyon noong ako’y senador pa ano. Na yung fixed term ay sa chief of staff lang. Hindi kasama doon yung ilan. Yung ibang posisyon sa armed forces,” ani Rodolfo ‘Pong’ Biazon, dating AFP chief of staff at senador.
Mungkahi rin ni Biazon na dati ring senador na gawing malinaw ang pagpapatupad ng batas.
Para sa kanya, nagkaroon ng kalituhan sa pagitan nina dating AFP Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Baccaro at nang ibinalik na Chief of Staff na si Lt. General Andres Centino.
“Ang nangyayari kasi yung kalituhan. Nalito ang tao sapagkat halimbawa ang unang pinanggalingan nito tinanggal si Chief of Staff Centino nang walang paliwanag kung bakit siya tinanggal dahil hindi pa siya noon retirable. Retirable si Centino sa Pebrero itong susunod na buwan ano? Inilagay si Baccaro tapos wala namang dahilan kung bakit tinanggal si Bacarro at ipinalit si Centino. Si Baccaro ay retirable nitong September last year. So ang katanungan, ano bang batas ang ipinaiiral ngayon? Yung luma o yung bago?” aniya pa.
Umaasa naman si Biazon na maaayos sa lalong madaling panahon ang batas para patuloy ang pag-angat ng morale ng pambansang kawal.
Ang Senado, mamadaliin daw ang pag-amyenda sa batas gayundin naman ang commitment ng Mababang Kapulungan.