SA gitna ng lumalalim na tensiyon sa pagitan ng China at Taiwan, ipinaliwanag ng beteranong mamamahayag at kilalang political commentator na si Jay Sonza kung sino lamang ang may wastong mandato na magsalita para sa bansa sa mga sensitibong usaping pang-internasyonal—at bakit hindi ito dapat ginagawa ng pamunuan ng kasundaluhan.
“Pagdating sa mga usapin ng ugnayan ng ibang bansa, ang nagsasalita riyan, foreign, on behalf of the Philippines ay ‘yung Department of Foreign Affairs, hindi Department of National Defense, lalong hindi ang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines,” ayon kay Jay Sonza, Political, Commentator/Veteran Broadcaster.
Ito ang nilinaw ni Sonza hinggil sa mga opisyal ng pamahalaan na nagbibigay ng saloobin sa mga isyung may kinalaman sa foreign relations.
Nag-ugat ang isyu matapos maglabas ng pahayag si AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, na may inihahandang hakbang ang kasundaluhan sakaling umatake ang China sa Taiwan.
Dinepensahan naman ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin. Ayon sa kaniya, ito raw ay bahagi lamang ng paghahanda ng Pilipinas sa posibleng repatriation o pagpapauwi ng mga Pilipinong manggagawa mula sa Taiwan kung sakaling lumala ang sitwasyon.
Ngunit para kay Sonza, hindi ito ang tamang hakbang ng militar. Ayon sa kaniya, tanging Department of Foreign Affairs (DFA) isang Ambassador lamang ang may mandato na magsalita hinggil sa mga isyung may kinalaman sa ibang bansa.
“Ngayon kung may problema sila (China) riyan, internally, hindi dapat tayo nangingialam kasi problema ng China iyan eh. Kahit na magbarunggit ka o magparinig ka, hindi mo dapat ginagawa iyon because wala sa hulog iyon lalo pa at hindi naman ikaw ang Secretary of Foreign Affairs, or Ambassador of the Philippines to China,” aniya.
Paliwanag pa ni Sonza, maliban na lamang kung hihingi ng tulong ang DFA sa AFP, ay hindi nararapat para sa AFP na maglabas ng ganitong klaseng pahayag. Aniya, maaari itong ituring na “unbecoming of an official.”
“To speak in the first place, was Brawner authorized by Ferdinand Marcos, the president of the Philippines to speak on that subject? Because if he was not authorized, then he has no business talking that was otherwise, it can be considered as a war mongering, para kang nagaganyak ng, naghahanap ng sakit ng ulo makikipag giyera ka noh?” aniya pa.
Matagal nang kinikilala ng Pilipinas ang tinatawag na One China policy, isang opisyal na posisyong diplomatiko na inilatag pa noong dekada sitenta. Ipinagtibay ito sa pamamagitan ng isang joint communiqué na nilagdaan ng mga pinuno ng Pilipinas at ng People’s Republic of China—isang hakbang na naging pundasyon ng pormal na ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa at simbolo ng pagtalikod ng Pilipinas sa pagkilala sa Taiwan bilang hiwalay na estado.
Sa gitna ng umiigting na tensiyon at banta ng posibleng pananakop ng China sa Taiwan, agad namang kumilos ang Department of Migrant Workers upang tiyakin ang seguridad ng libu-libong Pilipinong manggagawa roon.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa iba’t ibang ahensiya at kasalukuyan nang bumubuo ng komprehensibong contingency measures—mga hakbang na layong tiyakin ang mabilis na pagresponde, ligtas na repatriation, at proteksiyon ng mga Pilipinong maaaring maipit sa sigalot.
Follow SMNI News on Rumble